Mas mahigpit na checkpoint vs. COVID-19 smuggling, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | April 10, 2021
Mas mahigpit na checkpoint.
Ito ang hakbang ng pamahalaan para tugunan ang umano’y “COVID-19 smuggling” kung saan ipinupuslit ang mga tao papasok at palabas ng NCR Plus bubble gamit ang mga truck at colorum na sasakyan.
Kamakailan, nag-viral ang video na kinunan sa pagitan ng mga checkpoint sa Tagawayan, Quezon at Ragay, Camarines Sur, kung saan nagmistulang cargo ang nasa mahigit 20 tao na ibinaba mula sa isang truck para sumakay naman sa pampasaherong van.
Makikita rin sa video na bukod sa napuno ng tao ang truck, wala pang suot na facemask ang ilan.
Ang siste, ibinu-book ito online gamit ang social media at binabayaran nang cash.
Gayunman, iniimbestigahan na ng Land Transportation Office (LTO) at iba pang ahensiya ng gobyerno ang insidente at kasabay nito ang pagpapaigting ng anti-colorum operations at mas mahigpit na checkpoints.
Samantala, habang nahaharap sa tatlong buwang preventive suspension mga tsuper, possible rin umanong maharap sa kaso ang mga sumakay sa truck.
Matatandaang kamakailan, 86 pasahero ng mga nahuling colorum na sasakyan na pumunta ng Bicol mula Marso 19 hanggang Abril 2 ang nagpositibo sa COVID-19, kaya patuloy ang panawagan ng mga awtoridad na tigilan ang ganitong gawain.
Marahil, gusto lang makabalik ng ilan nating kababayan sa kani-kanilang probinsiya, pero hindi sapat na dahilan ito para gumawa ng ilegal.
Kung magiging sanhi ito ng pagkalat ng sakit, hindi ito dapat palampasin.
Sa kabilang banda, nakadidismaya dahil alam naman nating mapanganib, pero sige pa rin tayo sa pagpapasaway.
Gayunman, pakiusap sa mga kinauukulan, pag-aralan kung sapat ba ang pagkakaroon ng mahigpit na checkpoints, at kung kailangang gumawa ng mga karagdagang hakbang, gawin na upang matigil ang gawaing ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments