Mas mahabang biyahe, dagdag-kita para sa mga tsuper
- BULGAR
- Nov 11, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 11, 2022
Kasabay ng pagpapatupad ng bagong mall operating hours sa Metro Manila, nakahanda umano ang mga jeepney driver na habaan pa ang oras ng kanilang pamamasada.
Mula Lunes, Nobyembre 14, magiging alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi na ang mall hours sa National Capital Region (NCR) bilang paghahanda sa holiday rush o pagdagsa ng mga mamimili habang papalapit ang Pasko.
Ayon sa grupo ng mga tsuper, tuluy-tuloy ang kanilang pagseserbisyo sa mga komyuter.
Binigyang-diin pa nito na nakasanayan na umanong bumiyahe nang magdamag ng PUV drivers tuwing holiday season para na rin mapagsilbihan ang mga empleyado ng mall.
Samantala, patuloy din ang panawagan ng mga tsuper sa Department of Transportation (DOTr) na buksang muli ang mga lehitimong ruta ng mga jeep na isinara o pinutol sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Sa ngayon, halos 170 ruta sa NCR ang hindi nabubuksan.
Magandang balita na handang bumiyahe nang mas matagal ang ating mga tsuper dahil ibig sabihin, bahagyang matutugunan ang pangangailangan ng pampublikong sasakyan sa nabanggit na oras.
Siyempre, hindi lamang ang mga komyuter ang makikinabang dahil paraan din ito upang madagdagan ang kita ng mga PUV drivers at operator.
Ngunit habang tinitiyak ng mga grupo ng tsuper na makakatulong sila na matugunan ang panangailangan ng pampublikong sasakyan, sana’y ganundin ang ginagawa ng gobyerno.
Kumbaga, pakinggan ang hiling o suhestiyon ng mga drayber dahil sila ang nakakaalam ng mga angkop na hakbang upang mas madaling masolusyunan ang mga problema sa transportasyon.
Mahalaga na marinig ang lahat ng panig at ‘ika nga, tulungan lang dahil para naman ito sa kapakinabangan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments