Mas maginhawa at ligtas na pagboto sa mga malls, ayos ‘yan!
ni Ryan Sison @Boses | Enero 27, 2023
Kapag natuloy, magiging mas maginhawa para sa mga botante at maayos ang Barangay at SK Elections (BSKE) sa Oktubre ngayong taon kung sa mga malls isasagawa ang halalan.
Ito ang ipinanukala ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia dahil aniya, naging bukas umano ang mga mall operator sa ideyang ito, lalo na at una nang binigyan ng mga espasyo ang ahensya para sa kanilang Register Anywhere Project (RAP).
Aniya, posible ito sa Metro Manila at mga residente lamang ng mga barangay na malapit o nakakasakop ng malls ang papayagan, alinsunod na rin sa Omnibus Election Code.
Paliwanag pa ni Garcia na kung ano’ng presinto o barangay na nandu’n mismo sa bisinidad ng mall ay du’n nila ito ilalagay dahil ililipat lamang ang botohan sa mga mall o tinatawag na transfer of polling place at walang malalabag na batas dito.
Hindi rin gagastos ng malaki ang Comelec at maaaring makatipid pa kung ipagagamit nang libre ang mga espasyo sa malls.
Sinabi pa ni Garcia na sa ngayon, pinaplantsa na ng ahensiya ang posibilidad na ‘pilot testing’ ng mall voting para sa barangay at SK elections.
Maganda ang isinusulong na botohan sa malls ng Comelec. Magiging mas safe at convenient ito para sa mga botante at maiiwasan din ang pamimigay ng mga pulyetos para ikampanya ang kani-kanilang mga kandidato sa halalan.
Mas makatitiyak din na may sapat na seguridad, at matapos ang kanilang pagboto, makakapamasyal at makakapaglibot-libot pa ang mga botante sa loob ng malls.
Gayundin, maiiwasan ang siksikan at hanapan ng mga botante ng kanilang mga presinto na sadyang napakainit, kumpara sa mga malls na malamig ang paligid.
Magkakaroon din ng maaliwalas na pag-iisip ang mga botante at makakapili nang husto ng nararapat na kandidato na dapat ilagay sa puwesto.
Sakali mang maisagawa ang eleksyon sa mga malls, paalala sa ating mga kandidato, huwag nawa nating gamitin ito para sa ‘vote buying’.
Sa mga botante, maging mapanuri tayo sa mga kandidato na ating iboboto at iluklok lamang ang nararapat at tapat na lingkod-bayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments