Mas mabigat na parusa vs. fake news
- BULGAR
- Aug 14, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 14, 2023
Pormal nang ilulunsad ang kampanya ng administrasyong Marcos para sa paglaban sa mga kumakalat na maling impormasyon o fake news.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil ngayong Lunes, Agosto 14 ay lalagda sila sa isang memorandum of understanding (MOU) para sa paglulunsad ng Media and Information Literacy project ng gobyerno kasama ang mga partner agencies at social media platforms na gaganapin sa Hilton Manila sa Pasay City.
Pahayag ni Garafil, handa na ang PCO na ipatupad ang media at information literacy campaign project ng administrasyong Marcos. Ito ay bilang tugon ng administrasyon sa mga kumakalat na misinformation at disinformation o fake news, lalo na sa social media habang tututok din sa pagpapalakas at pagpapaigting sa kakayahan ng mga kabataan para maging mas mapanuring consumers sa media.
Kabilang sa mga katuwang ng PCO na mga ahensya ng gobyerno ay ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inaasahan din ang pakikiisa ng social media platforms na Google (YouTube), Meta (Facebook, Instagram, at Threads), TikTok at X (dating Twitter).
Ang nasabing mga social media platform ay makakatulong umano sa gobyerno sa pamamagitan ng mga tool at training para labanan ang disinformation at maling impormasyon o fake news.
Sinabi pa ni Garafil na ang media at information literacy ay isasama rin sa higher education curriculum, community-based trainings, at mga programang nakatuon sa pamilya.
Magugunita na noong Abril, nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na poprotektahan ng kanyang administrasyon ang mga karapatan ng media practitioner at titiyakin na mayroong freedom of expression sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Masasabing maganda ang programang ito ng pamahalaan para mapigilan ang lalong pagkalat ng mga impormasyon.
Malaking tulong din ito sa mga mamamayan dahil hindi na malilito kung ano talaga ang tama at totoong balita sa mga fake news.
Madali na rin para sa mga kababayan na maikumpara ang makatotohanang balita sa kuwentong kutsero o gawa-gawa lamang.
Panawagan lang natin sa kinauukulan, na sana ay patawan ng mabigat na parusa ang sinumang mahuhuling nagpapakalat ng maling balita, na sa halip na makatulong sila ay nagdudulot pa ng perwisyo sa marami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments