top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mas mabigat na parusa sa pasaway na drayber

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 9, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 9, 2023


Sa gitna ng tumataas na bilang ng aksidente sa kalsada na dulot ng kawalan ng pag-iingat sa pagmamaneho, hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Kongreso na magpasa ng remedial law na magbabasura ng probasyon para sa mga reckless drivers.


Sa paghahain ng Senate Bill 1016, iginiit ni Sen. Pimentel sa mga mambabatas na gumawa ng mas mahigpit na batas para gawing non-probationable offense ang reckless driving.


Binigyang-diin ng Senador ang nakakaalarmang bilang ng mga namamatay dulot ng mga aksidente sa lansangan dahil sa kawalan ng pag-iingat.


Inihalimbawa pa ni Sen. Pimentel ang insidente noong Mayo 5, kung saan isang 4-anyos ang namatay, habang ang isa ay nasa kritikal na kondisyon matapos masagasaan ng bus at SUV sa harap ng isang paaralan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.


Kung maipapasa ang remedial legislation, maaaring makatulong ito na mabawasan ang bilang ng mga aksidente na dulot ng reckless driving, na ayon sa citing figures mula kay Transportation Secretary Jaime Bautista, mayroong 11,000 indibidwal na namatay dahil sa mga aksidente sa kalsada noong 2022.


Binanggit din ng mambabatas na ang mga aksidente sa kalsada ang ika-13 sa ranggo ng mga sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas noong 2022, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).


Malaki ang paniniwala ng Senador na dapat patawan ng mas mabigat na parusa ang mga pabayang motorista dahil tila walang takot ang mga ito sa mga parusa sa ilalim ng kasalukuyang batas.


Para sa kanya, ang katiyakan ng pagkakakulong bilang parusa ay maaaring magsilbing deterrent laban sa krimen.


Tama lang na ipatupad ang ganitong klase ng batas dahil maraming mga drayber ang hindi nag-iingat at tila hindi inaalintana ang mga nasa paligid nila.


Ang hindi pag-iingat sa pagmamaneho ay masamang gawain dahil ito ay delikado. Ang mas masaklap pa, ito ay nakamamatay.


Kung magkakaroon ng mabigat na parusa, tiyak na mababawasan ang mga aksidente sa kalsada.


Paniguradong matatakot ang mga pabayang drayber sa mga parusang mahaharap sa kanila.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page