top of page

Mas mabigat na parusa sa magmamalupit sa hayop

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 4, 2024



Boses by Ryan Sison

Nararapat na bigyan din natin ng halaga ang kalagayan at kapakanan ng ating mga alagang hayop. 


Ito ang itinutulak ngayon ni Senador Grace Poe, ang pagpasa ng Senate Bill (SB) 2458 o ang Revised Animal Welfare Act. 


Ayon kay Sen. Poe, ang SB 2458 ay naglalayong magbigay ng mga programa para sa kapakanan ng mga hayop sa mga lugar upang payagan ang mga ito na epektibong kumilos laban sa kalupitan.


Pinuri naman ng senadora ang mga inisyatiba na ginagawa ng mga pribadong grupo at mga indibidwal na tumutulong na mapabuti ang sitwasyon ng mga hayop.

Sinabi rin ni Sen. Poe na kapag sama-samang kumikilos ang lahat para sa isang adbokasiya, marami talaga ang matutulungan. 


Binigyang-diin naman niya na siya bilang senador ay patuloy na ipinaglalaban ang karapatan ng mga alagang aso at pusa kasama ng mga pet owners.


Binanggit din ni Sen. Poe na ang mga kapwa niya senador ay nagmungkahi ng na magkaroon ng budget para sa mga local government at mga kinauukulang ahensya upang palakasin ang libreng neutering at spaying services sa buong bansa at magbigay ng mga free anti-rabies vaccine sa mga biktima ng animal bites.


Aniya pa, dapat ding pondohan ang mga city at municipal pounds upang maturuan at mahasa sila sa pag-aalaga naman ng mga stray animals.


Gayundin sa kanyang panukala, papatawan ng mabigat na parusa ang sinuman dahil sa kalupitan o animal cruelty at pagpapabaya sa mga hayop.


Maituturing na mabuting gawain ang pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga alagang hayop.


Tamang pag-uugali ito bilang isang nilalang na nilikha ng Maykapal.


Sadyang may iba lang sa atin na umiiral ang pagiging malupit at walang pakundangan kung manakit ng mga hayop.


Ito iyong mga indibidwal na kapos sa tinatawag na ethical behavior at accountability dahil hindi man lang magawang ibigay ang pangangailangan at alagaan ang mga hayop.

Paalala sa ating mga kababayan na maging responsable sana tayo sa ating mga alagang hayop. May karapatan din naman silang mabuhay ng maayos. Isipin sana natin na may pananagutan din tayo sa kanila kaya nararapat lang sila ay asikasuhin at mahalin.


Hiling natin sa kinauukulan na sana ay ipatupad talaga nila ang naturang batas habang patawan ng mas mabigat na parusa ang sinumang gumagawa ng kalupitan sa mga hayop nang sa gayon ay matuto sila at magtanda.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page