TV5, damay na sa galit ni Marcoleta sa ABS-CBN
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 13, 2022
KONGRESO, MAS POKUS SA POSTPONEMENT NG BGY. & SK ELECTIONS KAYSA IMBESTIGAHAN ANG ANOMALYA SA DEPED AT PS-DBM—Maraming isinisiwalat ngayon ang Commission on Audit tungkol sa mga kuwestyunableng transaksyon ng iba't ibang departamento ng pamahalaan na kinasasangkutan ng bilyun-bilyong kaban ng bayan, tulad sa P2.4 billion overprice na laptop na binili ng Department of Education (DepEd) at Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM).
'Yan ang dapat imbestigahan ng Kongreso, kaya lang, dedma riyan ang mga kongresista kasi ang pokus nila sa ngayon ay i-postpone ang barangay at SK (Sangguniang Kabataan) elections.
◘◘◘
MARCOLETA, DATI SA ABS-CBN LANG GALIT, NGAYON PATI SA TV5 NA RIN—Umuusok sa galit si Sagip partylist Rep. Rodante Marcoleta sa pagsasanib ng ABS-CBN at TV 5.
Aniya, paiimbestigahan daw niya ito sa Kongreso.
Ibig sabihin, damay na rin sa galit ni Marcoleta ang TV5 kasi kapag natuloy ang imbestigasyon, hindi lang executives ng ABS-CBN ang gigisahin ng kongresista, kundi pati ang mga executives ng TV5.
◘◘◘
KUNG MAY PAGLABAG SA BATAS ANG ABS-CBN, BAKIT AYAW ITONG KASUHAN NI MARCOLETA?—Ang bukambibig ni Marcoleta ay may mga paglabag daw sa batas na ginawa ang ABS-CBN kaya't hindi nila ito binigyan noon ng prangkisa.
Ang problema kay Marcoleta, hanggang satsat lang kasi kung totoong maraming nilabag sa batas ang ABS-CBN, bakit kahit isang kaso ay wala siyang isinasampa laban sa Pamilya Lopez?
Sa totoo lang, kaya hindi magawa ni Marcoleta na sampahan ng kaso ang ABS-CBN ay dahil wala siyang maipakikitang dokumento sa korte na may nilabag nga sa batas ang Kapamilya network kasi iba't ibang ahensya na ng pamahalaan, kabilang ang BIR (Bureau of Internal Revenue), SEC (Securities and Exchange Commission), DOLE (Department of Labor and Employment) sa nagsabing walang ginawang paglabag sa batas ang ABS-CBN!
◘◘◘
COL. CANSILAO, BAKA MASIBAK SA PUWESTO DAHIL SA RAKET NI 'ALING TESSIE' SA BATANGAS—May mga bagong puwesto raw ng raket na color games at drop balls si "Aling Tessie" sa Padre Garcia at Taysan, at puesto-piho sa Lipa City, pawang sa lalawigan ng Batangas.
Naku, eh, kapag nalaman ni PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin na walang aksyon si Batangas PD, Col. Glicerio Cansilao sa raket ni "Aling Tessie" ay baka pagkasibak sa puwesto abutin niya.





Comments