Marinero at Scorpions, bumida sa Aspirants Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 20, 2022

Nanaig ang Marinerong Pilipino sa kanilang mahalagang salpukan kontra Adalem Construction-Saint Clare College, 76-71, sa 2022 PBA D-League Aspirants Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City. Umakyat ang Skippers sa solong 2nd place na may kartadang 3-1, kalahating laro ang agwat sa numero unong Wangs-Letran na 3-0.
Sumandal ang Marinero sa 3-points ni Jollo Go na nagwasak sa 66-66 tabla na may 2:47 sa orasan. Mula roon ay nalimitahan ng kanilang depensa ang Saints at namayani muli si Go katulong sina Juan Gomez de Liano at Kemark Carino upang mapreserba ang panalo.
Nagtapos si Go na may 19 puntos mula sa apat na tres. Nag-ambag ng 12 puntos si Carino at 11 si Gomez de Liano. Sinikap ni Bam Lopez na buhayin ang Saints sa 16 puntos. Sumunod sina John Edcel Rojas na may 15 at Johnsherick Estrada na may 14 puntos at bumaba ang kartada sa 2-2.
Sa ibang laro, nagising ang Centro Escolar University mula sa dalawang sunod na pagkatalo at pinanatiling walang panalo ang Builders Warehouse-UST, 86-69.
Dalawang sunod na rin ang tagumpay ng Apex Fuel-San Sebastian matapos bigyan ng matinding aral ang AMA Online Education, 93-53.
Binuksan ng Scorpions ang 2nd quarter sa pagbuhos ang unang 9 na puntos at umarangkada palayo, 30-10, hanggang umabot pa ito ng 36-15. Nagtabi sina Jerome Santos, Franz Diaz at Lenard Santiago ng lakas upang alagaan ang lamang sa 4th quarter sa gitna ng banta ng Tigers na lumapit.
Mga laro ngayong Huwebes – Araneta Coliseum: 10:30 AM Builders Warehouse-UST vs. Adalem Construction-St. Clare 12:30 PM Apex Fuel-SSC vs. Eco Oil-DLSU.





Comments