Marcos Admin kabado, sa rami ng DDS baka tuluyang maitatag ang Republic Of Mindanao
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Pebrero 5, 2024
MAY DAHILAN NA MABAHALA ANG MARCOS ADMIN SA PANAWAGAN NI EX-P-DUTERTE NA MAGTATAG NG REPUBLIC OF MINDANAO KASI ANG DAMING DDS SA MINDANAO --Nabahala ang Marcos administration sa panawagan ni ex-P-Duterte sa mga taga-Mindanao, na ihiwalay ang rehiyon sa Pilipinas at magtatag sila ng isang bansa na tatawaging Republic of Mindanao, at dahil d’yan ay nagbabala si National Security Adviser Eduardo Ano na gagamitin ng pamahalaan ang buong puwersa ng militar at pulisya para hadlangan ito.
Sa totoo lang, may dahilan naman ang Marcos admin na mabahala, kasi sa rami ng Duterte Diehard Supporters (DDS) ni ex-P-Duterte sa Mindanao at kapag tinutoo ay posible talagang mangyari na mahiwalay ang rehiyong ito sa ‘Pinas, period!
◘◘◘
BANGAYAN NG SENADO AT KONGRESO NAGPATAAS SA RATING NG SENATE PRESIDENT AT HOUSE SPEAKER -- Sa inilabas na survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. ay kapwa nakakuha ng mataas na performance rating sina Senate President Migz Zubiri at Speaker Martin Romualdez.
Hay naku, kailangan pa palang magbangayan muna ang Senado at Kamara para ang kanilang mga pinuno ay makakuha ng mataas na rating sa survey, boom!
◘◘◘
MATUTUWA TALAGA SINA REPS. CASTRO, BROSAS AT MANUEL, KASI KAPAG ANG NTF-ELCAC NABUWAG WALA NANG MAGRE-RED-TAGGED SA MAKABAYAN BLOC -- Ikinatuwa ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara na sina ACT Teacher partylist Rep. France Castro, Gabriela Women partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan partylist Rep. Raoul Manuel ang panawagan ni United National (UN) Special Rapporteur Irene Khan sa Marcos admin na buwagin ang National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil mapanganib daw ang gawaing red-tagging ng task force na ito.
Matutuwa talaga ang mga kongresista ng Makabayan bloc, kasi kapag pinabuwag ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) ang NTF-ELCAC ay wala nang mangri-red-tagged sa kanila at sa iba pang aktibista sa bansa, period!
◘◘◘
CONG. SALCEDA NAGPAPANSIN KAY P-BBM KASI WALA PA NAMAN DAYUHANG KAPITALISTANG NAGTAYO NG NEGOSYO SA ‘PINAS, SABI NIYA NAGBUNGA NA RAW --Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda na nagbunga na raw ang madalas na pagbiyahe sa labas ng bansa ni P-BBM dahil maraming foreign investors na raw ang nag-pledge na magtatayo ng negosyo sa bansa.
Tila yata nagpapansin lang si Cong. Salceda kay P-BBM, kasi kahit isang foreign investor ay wala pang nagtatayo ng negosyo sa ‘Pinas, tapos sabi niya nagbunga na raw ang panghihimok ng Presidente sa mga dayuhang kapitalista na magtayo ng negosyo sa bansa, hehehe!





Comments