Marcoleta, kulong pa rin, suspendido pa bilang senador

by Jeff Tumbado @News | November 24, 2026

Photo: File
Mananatili sa kulungan sa Quezon City Male Dormitory si Senator Rodante Marcoleta at tatlo nitong kapwa akusado matapos ibasura ng Third Division ng Sandiganbayan ang magkakahiwalay nilang petisyon para makapagpiyansa kaugnay ng kasong plunder na nagkakahalaga ng P75 milyon na nag-ugat sa isang campaign donation.
Ayon sa korte, isinulat ni Justice Ronald Moreno ang resolusyon na inilabas nitong Lunes, Nobyembre 23, 2026.
Sa isang press briefer, kinumpirma ng korte na tinanggihan nito ang mosyon para sa piyansa ni Marcoleta, gayundin ang magkakahiwalay na petisyon para sa piyansa nina Aristotle B. Viray, Michael T. Defensor, at Joseph Espiritu.
Nahaharap si Marcoleta at ang kanyang mga kapwa akusado sa kasong plunder, na isang krimeng hindi pinapayagan ang piyansa kapag sapat na malakas ang ebidensiya ng pagkakasala.
Ipinaliwanag din ng Sandiganbayan na nakasalalay sa pagpapasya ng korte ang pagbibigay ng piyansa kung malakas ang ebidensiyang nag-uugnay sa mga akusado sa naturang krimen.
Samantala, ipinatutupad na ng Senado ang 90-day preventive suspension kay Marcoleta kaugnay ng kasong plunder, ayon sa Sandiganbayan 3rd Division.
Nagsimula ang suspension noong Huwebes, Nobyembre 19. Wala na umanong motion for reconsideration na inihain ang senador.





Comments