Marcial, undercard na ni Pacman; mas bilib sa pinoy trainers/coaches
- BULGAR

- Jul 22, 2020
- 3 min read
ni Gerard Arce / Anthony E. Servinio - @Sports | July 22, 2020

Maaaring makasama ni Tokyo Olympics-bound and turn professional boxer Eumir Marcial ang kanyang idolo na si Manny Pacquiao sa undercard ng susunod na laban ng alamat. Nangako ang MP Promotions president na si Sean Gibbons na magkakaroon ng magandang exposure si Marcial sa Amerika upang lalo siyang makilala.
Kung sakali, susunod si Marcial sa mga yapak ni Ceferino “Bolo Punch” Garcia na naghari bilang kampeon ng mundo sa Middleweight mula 1939 hanggang 1940 at siyang pinakamabigat na kampeong Pinoy. Sa ngayon ay 160 hanggang 162 libra ang timbang na nais ni Marcial sa propesyonal at aakyat siya sa 165 para sa Olympiada.
Nais din ni Marcial na mabitbit ang kanyang mga amateur coaches pa-U.S. upang magsanay at sumabak sa ilang maliliit na professional fights.
Inihayag ng 24-anyos na Lunzuran, Zamboanga-native na nagpaplano itong patuloy na makuha ang serbisyo nina national boxing head coach Ronald Chavez, coaching consultant Don Abnett ng Australia at sports psychologist Marcus Manalo upang maipagpatuloy nito ang klase ng amateur style ng pagsasanay, sakaling payagang maisama ang mga ito patungong Los Angeles, California.
“Hopefully makasama ko sila kase Olympics pa rin naman iyong pinaghahandaan ko,” wika ni Marcial, kahapon ng umaga, ng maging guest ito sa lingguhang PSA Forum mula sa virtual-online session kasama si Gibbons. “Amateur style pa rin naman iyong gagamitin ko sa preparation ko kaya sana mapagbigyan akong maisama sila,” dagdag ng Philippine Air Force personnel.
Hindi pa umano nakikipag-ugnayan o naipaparating ni Marcial sa opisina ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ang hinggil sa paghiram ng mga national coaches sa training nito.
“He has not yet talked to me about plans on bringing the national coaches with him abroad,” saad ni ABAP secretary-general Ed Picson.
Ayon pa sa boxing official, kinakailangan pa umanong magkaroon ng malalim na usapan sa pagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) at ABAP sa mga plano ng 3-time Southeast Asian Games gold medalist.
Wala namang nakikitang masama si Gibbons sakaling patuloy na piliin nito ang kanyang mga amateur coaches sakaling bitbitin niya ang mga ito sa California. “He had a very well coaches in line here, he just needs to talk to them and ABAP, perhaps, so that we can get him in training abroad, to train and sharpen him up and gives him a lot of sparring practices,” sabi ni Gibbons. “He always keeps his promise that he will give his dad and his country the gold medal,” dagdag nito.
Para kay 2020 Asia-Oceania Qualifying Tournament champion, prayoridad pa rin niya ang laban sa Olympics matapos ilang taon nitong inasam na makalaban sa pinakamataas na multi-sport event sa buong mundo, kung kaya’t nais niyang mahiram ang kanyang mga national coaches para manatili ang istilo nitong laro na pang-amateur.
Nitong nakalipas na Huwebes, Hulyo 16, ay opisyal ng pumirma si Marcial ng 6-taong kontrata sa MP Promotions ni eight-division World champion Manny “Pacman” Pacquiao para lumaban sa ilang professional fights sa labas ng bansa, partikular na sa Estados Unidos.
Napagdesisyunang pumirma ng kontrata sa MP promotions upang hindi ito magiging sagabal sa preparasyon ng 2019 AIBA silver medalist sa paghahanda sa quadrennial meet na nakatakda na sa susunod na taon sa Tokyo, Japan.
Patuloy na sasabak sa middleweight division sa professional ranks si Marcial, tulad ng kanyang kategorya sa Olympiad, kung saan inaasahang sasalang ito sa tatlong laban na maaring magsimula sa Oktubre na mayroon lamang 4-6 rounds.
Ilan sa mabigat na makakatapat ni Marcial sa pro-ranks sina WBA/WBO/The Ring middleweight champion Saul Canelo Alvarez at IBF/IBO middleweight champion Gennady “GGG” Golovkin ng Kazakhstan, samantalang mananatiling hadlang para sa gold medal nito sa Olympics si 2016 Rio Olympics gold medalist Arlen Lopez ng Cuba, gayundin sina World no. 1 Gleb Bakashi ng Russia, Tursynbay Kulakhmet ng Kazakhstan, Herbert Da Conceicao Sousa ng Brazil at Salvatorre Cavallaro ng Italy.
Nais niyang magpasalamat sa pamunuan ng ABAP at pinadalhan siya ng mga gamit pang-ensayo sa gitna ng pandemya. Regular ang kanyang ensayo kasama ang kasintahan na si Princess Galarpe na isa ring boksingera.





Comments