Marcial babanat vs. Thai boxer bago sasabak sa Olympic training
- BULGAR
- Mar 23, 2024
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports | March 23, 2024

Kakailanganin lamang ng kaunting pahinga ni Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial matapos ang kanyang professional fight ngayong Sabado kontra Thai boxer Thoedsak Sinam para sa “Home Coming” match sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila dahil nakatakda itong sumama sa national boxing team para sa isang training camp at kompetisyon sa Estados Unidos at Bangkok, Thailand.
Ipagtatanggol ni Marcial ang kanyang malinis na 4-0 kartada na sasabak sa super-middleweight division kasunod ng pagtuntong sa 165-pounds sa opisyal na weigh-in na ginanap nitong Biyernes ng umaga sa Badminton VIP Conference room sa Rizal Memorial Sports Complex para pagbidahan ang 10-fight card na nakatakdang simulan bandang 4 p.m. Lumapag naman sa 168-lbs ang Thai boxer na si Sinam (23-13, 19KOs) na may two-fight winning streak na parehong nagtapos sa knockout kontra sa mga kababayang sina Thirasak Yipaeng at Virad Panyagonpivad.
Mahigit isang taong nabakante sa pro-fight dulot ng preparasyon at pagsabak sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China na nagbigay sa kanya ng susi patungo sa 2024 Paris Olympics sa pagtuntong sa Final round ng men’s under-80kgs division.
Inihayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Marcus Jarwin Manalo na matapos ang kanyang obligasyon sa pro-ranks ay nakatakda itong sumama patungo sa US Olympic Training Center sa Denver, Colorado sa Abril 9 para sa dalawang linggong training camp at isang mini-tournament kasama ang sasabak sa qualifying at tatlong Paris-bound, habang muling babalik sa Pilipinas ng 2 linggo at muling tutulak patungong Thailand para sa panibagong training camp bago ang aktuwal na huling Olympic Qualifying Tournament.
“He’s just finishing his contractual obligations in the Pro, [and] after the fight, he will rejoin the national team in preparation for the Paris Olympics. Kasama rin siya sa US, Bangkok, will be with the national team moving forward,” pahayag ni Manalo, Martes ng umaga, sa lingguhang Philippine Sportswriter Association (PSA) Forum sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.








Comments