top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Maraming beses nang lumutang si 'Lea Cruz' na sangkot sa agri-smuggling, nganga ang Customs

  • BULGAR
  • Oct 22, 2022
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | October 22, 2022


BFF KAYA NI EX-P-DUTERTE NA SI "MICHAEL YANG" NA SANGKOT SA PS-DBM-PHARMALLY SCAM ANG TINUTUKOY NI SEN. IMEE NA SANGKOT SA AGRI-SMUGGLING?—Pinangalanan ni Sen. Imee Marcos ang mga bigtime agriculture smugglers sa Customs—sina alyas Michael Yang, Lea Cruz, David Bangayan at Paul Teves.


Sa mga pinangalanan ni Sen. Imee, ang nakakaintriga ay si "Michael Yang". Kapangalan kasi nito ang Chinese national na BFF ni dating Pres. Rodrigo Duterte.


Sa Senate investigation noon, ang kaibigan ni ex-P-Duterte na si Michael Yang ay nasangkot sa multi-billion peso scam ng Procurement Service-Department of Budget and Management at Phramally sa pagbili ng gobyerno ng mga overpriced na face mask at face shield.


Kung ang "Michael Yang" na tinutukoy ni Sen. Imee ay ang "Michael Yang" na kaibigan ni ex-P-Duterte ay iisang tao lang, aba'y namayagpag pala nang husto ang raket nito sa Pilipinas.


Mantakin n'yo, sangkot na sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, sangkot pa sa agri-smuggling sa Customs.


◘◘◘


BAKIT WALANG AKSYON ANG CUSTOMS PARA DAKPIN SI 'LEA CRUZ'?—Ang pangalang "Lea Cruz" na tinukoy rin ni Sen. Imee na sangkot sa agri-smuggling sa Customs ay hindi na bago, pamilyar na ang pangalan nito kasi sa tuwing may sasabog na isyu tungkol sa kalakaran ng smuggling sa Pilipinas ay palaging nakakasama ang pangalan nito.


Nakapagtataka lang na kahit ilang beses nang lumulutang ang pangalan nito sa agri-smuggling sa bansa ay hindi gumagawa ng aksyon ang mga Customs officials para dakpin ito.


◘◘◘


SINO ANG PADRINO NG MGA CUSTOMS OFFICIALS SA PORT OF SUBIC?—Sa ginawang pagbubulgar noon ni dating Senate President Vicente "Tito".Sotto noong Abril 2022 ay nakasama rin ang pangalan ni "Lea Cruz" na nagpupuslit ng mga imported na gulay sa jurisdiction ni Customs District Collector Marites Martin sa Port of Subic.


Ang grupo ni District Collector Martin ay sinibak ni Customs Comm. Yogi Filemon Ruiz dahil walang aksyon laban sa mga sugar smugglers sa Port of Subic, pero makalipas lang ang halos isang linggo ay ibinalik sila sa puwesto.


Sino kaya ang padrino ng grupo ni District Collector Martin kasi parang ang lakas nila sa pamahalaan? Mantakin n'yo, ibinulgar na noon na sa Port of Subic ang sentro ng operasyon ng agri-smuggling ni "Lea Cruz", pero hindi ito sinibak ni dating Customs Comm., at nang magpasiklab naman si incumbent Customs Comm. Ruiz sa pagsibak sa grupo ni Martin dahil sa kawalan ng aksyon sa mga sugar smugglers, aba'y isang linggo lang ay ibinalik din sila sa Port of Subic.


◘◘◘


DAPAT PUKSAIN NG NEWLY APPOINTED CUSTOMS INTEL GROUP CHIEF ANG MGA SMUGGLERS SA 'PINAS—Itinalaga ni P-BBM si ret. Army Gen. Juvymax Uy bilang bagong Customs Deputy Commissioner-Intelligence Group.


Noong nasa army service pa si Juvymax Uy ay astig ito, matikas sa pagpuksa sa mga komunista at terorista.


Ngayong siya na ang head ng Intelligence Group (IG), maging matikas din kaya siya sa pagpuksa ng mga smugglers sa Customs?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page