Maraming asungot na naman ang isasama ni P-BBM sa London? Abangan!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 5, 2023
SI P-BBM LANG ANG INIMBITAHAN NG ROYALE FAMILY, PERO TIYAK NA ANG DAMI NA NAMANG ASUNGOT SA LONDON—Kabilang si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa world leaders na inimbitahan ng Royale family para sumaksi sa coronation ni Britain’s King Charles III sa Mayo 6, 2023 na idadaos sa London.
Tandaan n’yo, si P-BBM lang ang inimbitahan, pero tiyak na maraming asungot na sasama sa biyahe ng Presidente sa London. Boom!
◘◘◘
ACTION STAR AT DRAMATIC ACTOR ANG NAGSUSULONG NA MABAGO ANG KONSTITUSYON NG ‘PINAS—Kung sa Senado ay si action star, Sen. Robin Padilla ang pursigidong nagsusulong ng Charter change (Chacha), at sa Kongreso naman ay isa si dramatic actor, Leyte Congressman Richard Gomez sa nagsusulong na mabago ang Saligang Batas.
Onli in da ‘Pinas na isang action star at isang dramatic actor ang nais magbago ng Saligang Batas. Tsk!
◘◘◘
KAHIT PANAHON NG SEMANA SANTA, TULOY ANG RAKET NG MGA GAMBLING LORDS—Kamakalawa, Abril 3, 2023 ang unang araw ng Holy Week, pero kahit panahon ngayon ng Semana Santa, hindi pa rin tumigil sa panraraket ang mga gambling lords sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ganyan ka-bad ang mga gambling lords, na kahit panahon ng Semana Santa ay tuloy pa rin ang panraraket nila sa mamamayan, period!
◘◘◘
MAGAWA KAYA NI CUSTOMS COMM. RUBIO NA MAPATIGIL ANG SMUGGLING SA PANAHON NG SEMANA SANTA?—Sa mga nagdaang Semana Santa, kahit sumapit ang Biyernes Santo ay tuloy pa rin ang raket ng mga smugglers, kung saan hindi magawa ng mga dating Customs commissioners na mapatigil ang puslitan ng mga kargamento sa Adwana.
Sa panahon ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, mapatigil kaya niya ang smuggling ngayong Semana Santa? Abangan!





Comments