top of page

Mapait na ampalaya, babala ng parating na gulo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 11, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 11, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Albert ng Pampanga.


Dear Maestra,

Magandang araw sa inyo. Nawa’y ligtas kayo sa negatibong puwersa ng kalikasan na nagbabanta sa kapaligiran. Ako ay isang vendor ng kung anu-ano na puwede kong itinda sa sidewalk. Sa ngayon ay walang kita dahil sa banta ng COVID-19. Mabuti na lamang at maykaya sa buhay ang panganay kong kapatid na siyang pansamantalang tumutulong sa amin ng pamilya ko.

Napanaginipan kong kumakain ako at kasalo ng mga kapatid ko sa dati naming bahay. Ang ulam namin ay ginisang ampalaya na may kasamang itlog, nang tikman ko ang ampalaya, sobrang pait at muntik ko nang iluwa. Nakita ng mga kapatid ko ang reaksyon ko habang kumakain, tapos kung anu-ano ang sinabi sa akin. Kung saan-saan na nauwi ang usapan hanggang lahat sila ay sinisisi ako sa isang bagay na nakaraan na pero inuungkat pa nilang muli. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Albert


Sa iyo, Albert,

Ang ibig sabihin ng panaginip mo na napakapait ng ginisang ampalaya na inyong ulam ay babala na may parating na gulo sa buhay mo. Ilayo mo ang iyong sarili sa pakikipagtalo dahil malamang na mauwi ito sa away at hindi mo maiwasang masangkot sa gulo.


‘Yun namang sinisisi ka ng mga kapatid mo sa mga pangyayaring nakaraan na, ibig sabihin ay matatalo mo ang iyong mga kaaway. Ikaw ang magwawagi sa kanila at makikita mo ang kanilang pagbagsak sa anumang pakikipagsapalaran nila sa buhay. Panatilihin mo ang pagiging maingat at mapagmatyag sa lahat ng sandali, gayundin, huwag kang basta-basta papatol sa gulo. Umiwas ka hangga’t makakaiwas ka.


Hindi baleng masabihan kang duwag kaysa naman masangkot ka sa away na maghahatid sa iyo sa bilangguan. Ang karuwagan ay hindi kapintasan, sa halip, ito ay pag-iwas lamang sa kapahamakan na maaari mong sapitin kung masasangkot ka sa gulo.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page