Mansanas, pahiwatig na magkakaroon ng mayamang anak
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | January 06, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Herminia ng Tacloban, Leyte.
Dear Maestra,
Natanaw ko mula sa kusina namin ang puno ng mansanas na maraming bunga, tapos lumabas ako at pinitas ang mga bunga ng mansanas. Nakasuot ako ng apron habang namimitas at dahil wala akong mapaglagyan ng mansanas, inilagay ko ang mga ito sa bulsa ng apron at nadumihan nang husto ang apron ko. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?
Naghihintay,
Herminia
Sa iyo, Herminia,
Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo tungkol sa mansanas dahil ito ay nangangahulugan na magtatagumpay ka sa mga binabalak mong gawin. Ito rin ay nagpapahiwatig na magkakaroon ka ng anak na lalaki na magiging mayaman balang-araw dahil pagpapalain siya sa buhay.
Tungkol naman sa suot mong apron na may bulsa at doon mo inilagay ang mansanas na pinitas mo, nagpapahiwatig ito na magkakaroon ka ng bagong tagahanga, mai-in love siya sa iyo.
Ang sabi mo ay nadumihan nang husto ang apron mo dahil sa mga mansanas, nagpapahiwatig naman ito na magkakaroon ka ng mga bagong damit mula sa iyong mga kaibigan.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments