top of page

Manliligaw na showy sa pagmamahal, dapat sagutin dahil habambuhay na sasaya

  • BULGAR
  • Dec 3, 2022
  • 4 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 3, 2022

Dear Maestro,


May dalawa akong masugid na manliligaw at base sa mga nabasa ko sa inyong mga artikulo, pareho ko silang ka-compatible. Scorpio kasi ‘yung una na isinilang noong November 2, 1997 at ‘yung pangalawa naman ay Pisces na isinilang noong March 16, 1998. Cancer naman ang zodiac sign ko dahil July 7, 1999 ang birthday ko.


Tama ba ako na pareho ko silang ka-compatible? Kung oo, sino ang dapat kong piliin at paano ko matitiyak kung sino sa kanilang dalawa ang tapat at mahal na mahal ako?


Umaasa,

Rowella ng Luksuhin, Alfonso, Cavite



Dear Rowella,


Bigla kong naalala ang homily ni Father, sabi niya, “Paano malalaman ng isang babae kung mahal talaga siya ng kanyang manliligaw?” Sa isip-isip ko, wagas magsermon si Father dahil nakasentro ang kanyang homily sa usapang pag-ibig at ligawan.


Sabi niya, may dalawang ehemplo ng manliligaw noong panahon niya. Una, ‘yung isang lalaki na sabi nang sabi sa babae ng, “I love you,” pero hanggang salita lang. At kung kukumustahin mo kung ilang beses siyang pumunta sa bahay ng babaeng nililigawan, madalang pa raw sa patak ng ulan. Ibig sabihin, sa loob ng isang buwan, isang beses lang pumunta sa bahay ng nililigawan ang naturang lalaki.


Nagtanong si Father ng, “Sa palagay n’yo, mahal ba ng lalaking ito ang nililigawan niya?” Siya na rin ang sumagot sa sarili niyang tanong at sabi niya, “May malaking pagdududa sa katapatan ng lalaking ito sa kanyang pag-ibig, sapagkat bagama’t nagsasabi siya ng “I love you”, hindi naman niya ito naipapakita sa gawa at bihirang-bihira siyang magpakita sa babaeng nililigawan niya at kahit minsan ay hindi pa niya ito nabibigyan ng regalo o kahit anong mahalagang pasalubong.”


Sa kabilang banda, may isa pang manliligaw ang nasabing babae. Isang lalaki namang tahimik lang, pero hindi nagsasabi ng “I love you” kahit minsan, pero palagi naman niyang sinusundo sa trabaho ang naturang babae at halos araw-araw ay magkasama sila. Hindi lang sinusundo, kung ano-ano pa ang inireregalo ng nasabing lalaki sa kanya at kapag may mahalagang okasyon, hindi rin nakakalimutan ng lalaking ito na batiin at regaluhan ng tsokolate at rosas ‘yung nililigawan niya na may kasama pang nakakakilig na love notes. Kumbaga, kitang-kita ang ebidensya na prayoridad ng lalaking ito ‘yung nililigawan niya.


At minsan ay nakita silang magkasama ng tiyuhin ng babaeng nililigawan niya, kaya nang nagkaroon ng pagkakataon, tinanong ng tiyuhin ‘yung pamangkin niya ng, “Kaylee, nobyo mo na ba si Kurdapyo?” Sagot naman ni Kaylee, “Hindi po, tito, hindi nga siya nagtatapat ng pag-ibig niya sa akin, eh!”


May pagtatakang tugon ang matandang kausap, “Eh, bakit palagi mo siyang kasama at kung ano-ano pang mga regalo ang ibinibigay niya sa ‘yo?” “Hindi ko rin po alam, eh!” Ang maang-maangang sagot ni Kaylee. Muling sumagot ang tiyuhin, “Malamang, mahal ka ni Kurdapyo dahil ibinuhos nang lahat ang effort at panahon niya sa ‘yo!”


“Ganu’n ang tunay na pag-ibig,” sabi ni Father. Hindi ito nakikita sa salita, kuwento o pagbibida ng kung ano-ano sa babaeng nililigawan. Bagkus, ang tunay na pag-ibig ay nakikita sa kilos ng isang tao.


Sabi pa ni Father, kahit sabihin mong ikaw ay Kristiyano, pero hindi naman nakikita sa gawa at pamumuhay mo, hindi pa rin masasabing tunay kang Kristiyano.


Kaya ganundin sa pag-ibig at panliligaw, huwag kang maniwala sa mga lalaking puro lang salita at kuwento, pero wala namang kuwenta. Huwag kang maniwala sa mga pangako na hindi naman ginagawa at puro dahilan kapag tinanong mo kung bakit hindi tinupad ang pangako. Sa halip, ang mga ganyang uri ng manliligaw na wala namang ginagawa kundi bolahin at paasahin ka ay masasabing, hindi tunay na mangingibig.


Kumbaga, kilalanin mong mabuti ang iyong manliligaw sa kanyang kilos at hindi lamang sa salita — kung ano ang ginagawa niya para sa ikabubuti mo, kung palagi ka ba niyang inaalala, palagi ba niyang kinukumusta ang kalagayan mo at kung may problema ka ay handa siyang tumulong sa iyo. Pansinin mo, hindi ang mga pinagsasabi at ikinukuwento niya sa iyo, bagkus, pansinin mo kung ano ang ginagawa niya para sa ikagaganda ng relasyon at future n’yo. Sa ganu’ng basehan, matitiyak mo na walang pagdududang mahal ka ng manliligaw o boyfriend mo dahil bukod sa ikaw talaga ang priority niya, ngayon pa lang, hindi sa salita kundi sa gawa ay inihahanda niya na ang future ng itatayo n’yong pamilya.


Mapalad ang mga babaeng nakatagpo ng ganitong manliligaw o boyfriend na ipinapakita ang pagmamahal sa kilos at gawa. Habang malas naman ang mga babaeng nakatagpo ng manliligaw o boyfriend na puro pambobola at salita, pero wala namang kilos at gawa upang patunayan sa karelasyon ang kanyang pagmamahal.


Samantala, Rowella, tama ka, pareho mong ka-compatible ang mga manliligaw mo. At kung Astro-Numerology na pag-aanalisa ang tanging pagbabatayan, kahit sino talaga sa kanila ay maaari mong piliin dahil tiyak na magkatugma naman kayo.


Ngunit sa pagkakataong ito, dahil kapwa mo ka-compatible ang naturang mga lalaki, marahil ay mas mainam na sundin natin ang sinasabi ni Father— piliin mo ang lalaking ipinapakita ang pagmamahal niya sa iyo, hindi sa salita kundi sa kilos at gawa.


Sa ganyang paraan, hindi ka magkakamali ng pasya dahil sa iyong pag-aasawa, aalagaan ka niya at habambuhay kayong magiging maligaya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page