Manliligaw na ka-birthday ng ex, compatible kaya makakatuluyan
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 15, 2021

KATANUNGAN
1. May live-in partner ako noon, pero naghiwalay kami dahil natuklasan kong bukod sa akin ay may iba pa siyang ibinabahay. Sa ngayon, may nanliligaw na naman sa akin, at nang alamin ko ang birthday niya ay nagulat ako dahil ka-birthday niya ‘yung ex ko, pero magkaiba lang ng taon.
2. Sadya bang lapitin talaga ako ng mga lalaking isinilang sa buwan ng Mayo at may petsang 14, at compatible ba talaga kami ng lalaking ito? December 18, 1985 ang birthday ko.
3. Ang manliligaw ko na ba na ka-birthday ng dating live-in partner ko ang nakaguhit na sa aking palad at makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
1. Sa Astrology, maging sa Oriental at Western Astrology, sadyang hindi gaanong magkatugma ang zodiac sign mong Sagittarius sa zodiac sign na Taurus ng mga lalaking nakakarelasyon mo, pero ang nakapagtataka, sa statistical data, maraming bilang na naitatala na ang indibidwal na isinilang sa buwan ng December, minsan pati na rin sa November ay nakapag-asawa ng mga isinilang sa buwan ng Mayo.
2. Subalit sa kaso mo, Lovely, maaaring ihaka na kaya nagiging malapit sa iyo ang mga lalaking isinilang sa buwan ng Mayo, partikular sa petsang 14, higit na nanaig ang impluwensiya ng Numero dahil alam natin na ang birth date na 9, 18 at 27 ay lagi nang nagiging tugma o suweto sa mga may birth date namang 5, 14 at 23.
3. Ibig sabihin, kayo ang magkakatuluyan ng manliligaw mo, sagutin mo man siya o tanggihan, hangga’t hindi naglalayo ang physical description nila ng dati mong live-in partner. Ito ang nais sabihin ng ikalawang mas mahaba at malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, matapos na ma-frustrate o masiphayo ka sa una mong pakikipag-live-in, sa ikalawang pagkakataon, malamang na ito ay hahantong sa ganap na pag-aasawang may matrimonyo ng kasal, na sa parte mo naman ay siguradong ikaw ay magtatagumpay at habambuhay na magiging liligaya.
MGA DAPAT GAWIN
1. Minsan, sadyang mahiwaga ang buhay na napapaloob sa kasabihang, “Takasan mo man ang takdang kapalaran, susundan ka pa rin nito kahit saan ka pumunta.” Ito ang aktuwal na naganap sa isang kuwento na hango sa Bibliya tungkol ka propeta Jonas. Si Jonas ay sinasabing isang propeta noong taong 8th century B.C., kung saan tinakasan niya ang utos ni Yahweh na mangaral siya sa isang bayan sa Nineve. Subalit nang nasa dagat na siya, inakala niyang hindi na siya masusundan pa niya Yahweh, ngunit lumakas ang alon at halos mawasak ang barko na kanilang sinaskyan. Hanggang mapagkaisahan ng mga tripulante nang matuklasan nilang si Jonas ang sanhi ng malakas na hangin ay inihagis siya sa dagat. Agad naman siyang nilulon ng higanteng isda, tatlong araw at tatlong gabi si Jonas sa loob ng tiyan ng isda. Ang kuwentong ito ay matatagpuan sa Biblia, sa Lumang Tipan.
2. Nang pakawalan siya ni Yahweh sa loob ng isda, isinuka siya sa bayan ng Nineve at naobliga siyang sumunod kay Yahweh upang mangaral sa nasabing bayan. Ang kuwento ni Jonas ay patunay lamang na minsan, kahit gustuhin nating takasan ang ating tadhana, kahit saan ka pumunta, susundan ka pa rin nito dahil ang hindi mo alam na ang iyong tadhana at ikaw ay iisa.
3. Habang, ayon sa iyong mga datos, Lovely, tiyak na ang magaanap dahil muli mong makaka-live-in hanggang sa tuluyang mapangasawa ang lalaking isinilang sa eksaktong petsang May 14. Bagama’t nag-iba siya ng bahagyang anyo at pisikal na katangian, tulad ng naipaliwanag na, siya ang mapapangasawa mo dahil bago ka pa isinilang, itinakda na sa iyong kapalaran ang makapag-asawa ng lalaking Taurus, na may pangako naman ng masaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments