Manliligaw, dapat sagutin para forever happy kahit single mom
- BULGAR
- Dec 10, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 10, 2021
Dear Maestro,
Ako ay single mom dahil nabuntis ako ng lalaking may asawa na. Gusto niyang ipalaglag ang bata at ayaw kong gumawa ng kasalanan na pagsisisihan ko habambuhay dahil katwiran ko, bakit namin idadamay ang bata sa aking sinapupunan na wala namang kaalam-alam sa aming kalokohan? Mula noon, hindi na siya nagpakita sa akin, habang ako ay pinagalitan at halos ipagtabuyan sa amin pero natiis ko lahat ‘yun, pati ang mga tsismis sa nangyari sa akin.
Sa ngayon, tanggap na ako ng pamilya ko at nagpapasalamat ako sa kanila dahil kahit wala akong trabaho ngayon, pinagtulungan naming palakihin at pag-aralin ang aking anak at ngayon ay Grade 2 na siya. Suwerte ba sa akin ang batang ito?
Isinilang naman ako noong November 7, 1992 at ngayon, mayroon akong kaibigan na hindi ko masasabing boyfriend ko dahil hindi ko pa siya sinasagot, pero boto sa kanya ang pamilya ko, ngunit ang pamilya niya ay hindi boto sa akin. Ayaw ko pa siyang sagutin dahil gusto kong matanggap muna ako ng pamilya niya bago maging kami.
Samantala, July 16, 1990 ang birthday niya at kababata ko siya. Since maliit pa kami, crush niya na ako pero nagtataka ako dahil parang wala talaga akong gusto sa kanya noon kaya naging magkaibigan na lang kami. Kung sakaling sagutin ko na siya, matututunan ko rin ba siyang mahalin at kung sakaling kami ang magkatuluyan, magiging maayos at masaya ba ang itatayo naming pamilya?
Umaasa,
Maricor ng P. Burgos, Siniloan, Laguna
Dear Maricor,
Sa totoo lang, minsan ay natuturuan ang puso na magmahal sa taong hindi niya gusto.
At minsan naman, may ibang tao na hindi nakakaya o nagagawang turuan ang kanilang puso na umibig sa tao na hindi naman talaga nila gusto.
Pero anuman ang mangyari, dahil may anak ka na at minsang nabigo sa pag-ibig at iniwan ng lalaki, obligado kang turuan ang iyong puso na magdesisyon nang praktikal upang hindi lang ikaw kundi pati ang iyong anak sa pagkadalaga ay habambuhay na lumigaya.
Ganyan ang pag-aanalisa dahil ang zodiac sign mong Scorpio ay sadyang tugma o compatible sa zodiac sign na Cancer ng kasalukuyan mong manliligaw. Ibig sabihin, dahil ang Cancer at Scorpio ay may iisang elementong tinataglay – ang elementong water o tubig, sadyang compatible kayo, kung saan sa Numerology naman, ang birth date mong 7 ay tugma rin sa birth date na 16 o 7 ng bestfriend mo (dahil ang 16 ay 1+6=7).
Sa madaling salita, nasa harapan mo ngayon ang dalawang landas na hindi mo malaman kung saan ka dadaan. Isang landas na makikipagsapalaran ka pa kung sino ang darating pang lalaki sa iyong buhay na maaaring sa kabiguan na naman humantong o ang nasa harapan mo nang karapat-dapat na lalaki na sasagutin mo na lang at magiging kayo na sa habambuhay.
Tandaang hindi lang sarili mo ang dapat mong isipin sa pagpili ng mabait at karapat-dapat na lalaki kahit hindi mo masyadong mahal, kundi nakasalalay din dito ang kinabukasan ng iyong anak at mga magiging anak n’yo pa.
Kaya kung nakikita mong sa kanya ka liligaya dahil mahal na mahal ka niya at tanggap niya ang iyong nakaraan, wala kang dapat gawin ngayon kundi ang isang hakbang na lang — siya na ang piliin mo. Sa ganyang paraan, tulad ng naipaliwanag na, kahit dalagang ina ka ngayon, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments