Manila at Cebu, 7th-8th place; Bolts, champ sa PBA 3x3 2nd leg
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 30, 2022

Isang magiting na laro ang ibinuhos ng Manila Chooks at Cebu Chooks bago tuluyang nagpaalam sa quarterfinals ng 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters kagabi sa Ayala Malls Manila Bay. Lumaban ng sabayan ang mga Pinoy subalit parehong kinapos sa gitna ng lakas ng mga bisitang koponan.
Naubusan ng lakas sa huli ang Manila at yumuko sa Sansar MMC Energy ng Mongolia, 21-16. Lumamang ang Manila sa dalawang puntos ni Chico Lanete, 12-8, subalit biglang humabol ang Sansar sa bisa ng mainit na shooting sa labas.
Gumawa ng 9 na puntos si Anand Ariunbold at anim si Enkhbaatar Onolbaatar. Nanguna sa Manila si Henry Iloka na may 7 puntos at Lanete na may apat.
Ibang klase ang husay ng 2021 World Tour champion Liman Huishan NE ng Serbia at sumugod agad sila sa 9-1 lamang kontra Cebu at tuluyang naitala ang 21-11 tagumpay. Namayani sa ilalim si Mihailo Vasic sa 8 puntos at mainit sa labas si Nebojsa Kilijian sa 7 puntos.
Nagawang tabasan ng Cebu ang lamang subalit hindi sumapat ang tig-apat na puntos nina Mark Jayven Tallo at Zachary Huang. Nagtapos sa ika-7 pwesto sa torneo ang Cebu habang ika-8 ang Manila.
Samantala, kampeon ang Meralco Bolts 3x3 na makaligtas sa overtime game laban sa Cavitex Braves, 18-17 at kunin ang Leg 2 title ng PBA 3x3 Third Conference kahapon sa Robinsons Place Las Piñas.
Pinamunuan nina Alfred Batino at Joseph Sedurifa ang Bolts na may tig-7 puntos habang si Dexter Maiquez na tumarak ng game-winner shot at nakapag-ambag ng tres si Maclean Sabellina.
Hinatak ni Sedurifa ang laro sa extra period mula sa pagkasalpak niya ng patas na iskor sa 16 mula sa nalalabing 18 seconds sa regular frame. Nakasampa sa finals showdown ang Meralco kontra Cavitex nang talunin ang TNT sa quarterfinals at Barangay Ginebra San Miguel sa semifinals. Nasa 3rd place ang Ginebra nang talunin ang Terrafirma.





Comments