Mandatory COVID-19 booster shot, ‘wag ipilit kung hindi uubra
ni Ryan Sison - @Boses | March 9, 2022
Hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa panukala na gawing mandatory ang COVID-19 booster shot dahil may iba pa umanong paraan para ikampanya ang vaccination drive sa bansa.
Matatandaang unang iginiit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na gawing mandatory sa mga establisimyento sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1 o sa mga lugar na tapos na ang primary series ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Sa isang public briefing, nilinaw ng DOH official na hindi sumasang-ayon ang kagawaran sa panukalang ito at ngayon, ang magagawa aniya nila ay magbigay-impormasyon at manawagan sa taumbayan na magpa-booster kontra COVID-19.
Samantala, aminado ang kagawaran na mababa pa ang bilang ng mga nagpa-booster sa mga nakalipas na linggo dahil hindi pa nakikita ng mga tao ang pangangailangan na maturukan nito.
Base sa datos, nasa 36 milyon ang nakatakdang magpa-booster shot, ngunit 10.5 milyon pa lamang ang nakatanggap nito hanggang noong Marso 5.
Samantala, 63.7 milyong Pilipino na ang nakakumpleto ng bakuna o katumbas ng 70% ng target na 90 milyong populasyon.
Habang nauunawaan nating nais lamang na mabigyan ng karagdagang proteksiyon ang taumbayan at mapanatiling umuusad ang ekonomiya, ‘wag muna nating ipilit kung hindi uubra.
Sa ngayon, ang mas dapat natin tutukan ay mahikayat ang mga tao na magpabakuna sa halip na gawin itong mandatory.
Tulad ng sinabi ng ahensiya, marami pang paraan para palakasin ang kampanya sa bakuna kontra COVID-19, at isa na rito ang ‘Bayanihan Bakunahan’. Kasabay nito, hangad din natin ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon tungkol sa bakuna, partikular ang booster shot.
Ito ang pinakamabuti nating magagawa upang makuha ang tiwala ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments