Mandatory CCTV sa mga establisimyento
- BULGAR
- May 31, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | May 31, 2023
Kamakailan ay inihain sa 19th Congress ang panukala na nag-uutos sa lahat ng kumpanyang may higit sa 20 empleyado at workspace na hindi bababa sa 50 metro na maglagay ng closed-circuit television (CCTV) o security camera.
Ang paglalagay ng mga CCTV camera, ayon sa mga solons, ay magsisilbing paraan upang masugpo ang krimen at tulong sa mga imbestigasyon na isinasagawa ng law enforcers.
Sa ilalim ng HB No. 8068, ang mga business establishments na sakop ng panukala ay dapat mag-install at ma-maintain ang mga CCTV camera sa lahat ng kanilang mga entrance at exit sa loob ng kanilang work areas, gayundin ang perimeter ng kanilang mga work areas at iba pang mga lugar sa kanilang establisimyento, maliban sa mga restroom, toilet, shower, changing rooms, at iba pang katulad na lugar.
Ang panukalang-batas ay nangangailangan din ng paglalagay ng mga CCTV camera bago maglabas ng mga business permit o operating permit para sa mga commercial establishments, tulad ng mga restaurants, ospital, mall, shopping center, sinehan, grocery store, office buildings, warehouses, at cockpit arena.
Ang mga business establishments ay dapat ding mag-post ng mga nakasulat na abiso na malinaw at matatagpuan sa kanilang mga entrances na nagpapaalam sa publiko tungkol sa pag-install at paggamit ng mga CCTV camera sa kanilang lugar.
Sa ilalim din ng panukalang-batas, ang mga owner o manager ng mga business establishment ay inaatasan na panatilihin ang privacy at confidentiality ng mga video feed at recordings na nakuha bilang resulta ng paggamit ng kanilang mga CCTV camera.
Kaya naman, dapat nilang ipagbawal ang paggamit, panonood, pagkopya, pagsisiwalat, o pag-publish ng mga nasabing video feed maliban kung partikular na pinahihintulutan ng panukala.
Sa totoo lang, napakalaki ng tulong ng mga CCTV sa ating bansa, bukod sa puwede nitong balikan ang mga pangyayari, layunin din nito na i-monitor ang buong area at mga tao sa loob at labas ng gusali upang maiwasan ang mga kriminalidad, espiya o kaduda-dudang tao na pumapasok at lumalabas dito.
Simula nang magkaroon ng mga CCTV, maraming krimen na ang nalutas at napapatindi nito ang seguridad ng buong pamayanan laban sa masasamang loob.
Kaya naman, hangad ng inyong lingkod na maisabatas na ito upang masugpo na ang mga krimen na nangyayari sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments