top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Mandato sa face mask, mas dapat manatili

BULGAR
Jun 13, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 13, 2022


Umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa gobyerno, eksperto at mamamayan ang pagluluwag ng Cebu LGU sa paggamit ng face mask.


Bagama’t ikinatuwa ito ng mga residente, agad na nagbigay-paalala ang gobyerno na hindi dapat basta tanggalin ang protocol na ito, kasabay ng paninindigan na iisang mandato lamang ang dapat sundin sa paggamit ng face mask sa buong bansa.


Sa kabilang banda, hindi pa rin kumbinsido ang health experts sa bansa na magtanggal na ng face mask ang publiko dahil wala pang sapat na “armamentarium” sa paglaban sa COVID-19 pandemic.


Paliwanag ng isang opisyal ng San Lazaro Hospital’s Adult Medicine Unit, sa pagtingin ng mga lokal na eksperto, hindi pa panahon para alisin ang mandato sa pagsusuot ng face mask, kahit sa open area o outdoors. Gayundin, kahit umano mababa pa ang mga kaso ng COVID-19, may mga parameter na kailangang suriin gaya ng vaccination rates at paglutang ng mga bagong variant.


Sabi nga, kung hindi talaga uubra, ‘wag na muna nating ipilit.


Nauunawaan natin ang kagustuhan ng ilan na makabalik na tayo sa normal, pero sa ngayon, tiis-tiis muna.


Nananatiling panlaban sa COVID-19 ang paggamit ng face mask, kaya pakiusap sa lahat, sumunod muna tayo sa mga ipinatutupad ng mga kinauukulan.


May punto rin ang mga eksperto at gobyerno, marami pang kailangang suriin at bantayan, lalo pa’t kamakailan ay natuklasan na may kaso na ng mas nakakahawang Omicron sub variants B.A. 4 at B.A. 5 sa bansa.


Gaya ng palagi nating sinasabi, ‘di pa panahon para makampante. Kung kinakailangang hindi baguhin ang mga nakasanayang health protocols, patuloy natin itong sundin.


Hindi lamang ito para sa ating mga sarili kundi para na rin sa lahat.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page