Malupit at abusadong amo, patawan ng mabigat na parusa
- BULGAR
- Nov 26, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | November 26, 2023
Bilang proteksyon na rin sa ating mga kasambahay, marapat lamang na patawan ng mabigat na parusa at malaking multa ang mga mang-aabusong amo sa kanila.
Ayon kay Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Sen. Francis Tolentino, na siyang may-akda nito, inirekomenda niya na isabatas ang parusa sa mga abusadong amo na bahagya o minor lang ang pananakit, na anim na buwan hanggang apat na taong pagkakakulong at multa na hanggang P500,000.
Batay pa sa report ng naturang komite, nakasaad din na kapag ang amo ay nanakit at nagresulta sa pagkabulag, pagkasira ng isip o nabaliw at iba pang pinsala sa parte ng katawan ng kasambahay ay makukulong ito ng 8 hanggang 12 taon at pamumultahin ng hanggang P4 milyon.
Gayundin, kung napatay ng amo ang kanyang kasambahay ay makukulong ito ng 2 hanggang 12 taon.
Binigyang-diin ni Tolentino na ang Kasambahay Law ay kanilang aamyendahan, kung saan walang probisyon sa pagpapataw ng kaukulang parusa sa pisikal na pang-aabuso o physical abuse sa mga kasambahay.P40,000 ang abusadong amo sa kanyang kasambahay, habang sinasaklaw naman ng Revised Code ang physical abuse at iba pang krimen sa kasambahay.
Ginawa ang rekomendasyon matapos ang imbestigasyon ng Senado sa nangyari kay Elvie Vergara ng Occidental Mindoro, na nabulag at nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan sanhi ng umano’y pambubugbog at pagmamaltrato ng mga amo nito at hindi rin nagpapasahod.
Tama lamang ang isinusulong ng kinauukulan na mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga malupit at abusadong amo.
Kadalasan kasi hindi nabibigyan ng pagpapahalaga ng iba ang kanilang mga kasambahay dahil siguro iniisip nilang mahina at mga hindi nakatapos ng pag-aaral.
‘Yun bang sunod lamang nang sunod ang mga kasambahay sa lahat ng iniuutos ng kanilang amo dahil nga sa sila ang nagpapasahod sa mga ito.
Subalit, may karapatan din ang ating mga kasambahay, kung saan dapat silang alagaan at proteksyunan, habang tayo na bilang amo ay may responsibilidad at obligasyon sa kanila.
Paalala lang sa ating mga kababayan na sana ay ituring natin na isang kapamilya ang ating mga kasambahay. Mahalin at pangalagaan natin sila dahil sila rin naman ang parating nag-aasikaso sa lahat ng ating mga pangangailangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments