Malnutrsiyon sa gitna ng pandemya, tutukan!

Updated: Jan 8, 2021
@Editorial | January 4, 2021
Sa pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST), 74.7% umano ng mga pamilyang may kasamang bata sa bahay ang nakaranas ng “food insecurity” o gutom habang hinaharap ng bansa ang COVID-19 pandemic.
Batay sa assessment ng DOST-attached agency, 62.1% ng mga pamilyang tinanong ang nakaranas ng katamtaman hanggang malalang antas ng gutom sa kasagsagan ng lockdown.
Pinakamalala umano ang naranasan ng mga pamilyang naninirahan sa mga lugar na itinuring na “low” at “moderate-risk” sa COVID-19.
Ang mga nasa “high risk areas” naman, na pawang mga lungsod, hindi umano gaanong nakaranas ng gutom dahil nakatanggap sila ng tulong mula sa gobyerno at pribadong sektor.
Ilan sa mga itinuturong dahilan ng hirap na access sa pagkain ay kawalan ng pera, transportasyon at trabaho.
Bilang resulta, 71.8% ng populasyong sinurvey ang sinasabing nangutang habang ang iba naman ay naghanap ng trabaho kapalit ng pagkain.
Bagama’t nakatanggap naman umano ng ayuda na pagkain ang halos lahat ng pamilyang dumaan sa survey, wala pa sa 50% ng mga ito ang nabigyan ng hanggang tatlong beses na tulong.
Higit 60% naman ang nabigyan ng cash assistance, subalit mula sa kanila, 56.4% lang ang nakatanggap umano ng naturang ayuda nang higit sa isang beses.
Ang ganitong sitwasyon ay maaaring magdulot ng matinding malnutrisyon kapag napabayaan. At sa pamamagitan ng survey na ito, nawa’y makarating sa mga ahensiya ng gobyerno ang problemang ito upang agad na matugunan.
Kung mabilis at dagsa ang tulong na naipamamahagi sa malalaking lungsod partikular na rito sa Metro Manila, sana’y ganundin sa mga probinsiya at liblib na lugar.
Hindi man sila direktang apektado ng COVID-19, tiyak na sapol din ang kanilang kabuhayan dahil sa pandemya.
Ang iba sa kanila ay umaasa sa turismo, paggawa ng mga produktong ibinibenta at meron ding may pamilyang nagtatrabaho sa lungsod na biglang nawalan ng kayod dahil sa pagsasara ng mga negosyo.
Kaya nangangailangan din sila ng tulong at suporta upang makabangon.



Comments