Maling pag-aanalisa sa compatibility, dahilan kaya nag-aalangan pang magpakasal
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 30, 2021
Dear Maestro,
Ang birthday ko ay March 23, 1992, habang ang boyfriend ko naman ay isinilang noong July 16, 1993. Sa pagkakaalam ko, hindi kami compatible pero bakit umabot ng halos pitong taon ang aming relasyon? Sa katunayan, nagbabalak na kaming magpakasal.
Ibig bang sabihin nito, hindi kami magkakatuluyan o kung sakaling kami ay nagkatuluyan, maghihiwalay din ba kami?
Sana ay maipaliwanag ninyo para matahimik ang isipan ko at makapili na rin kami ng petsa para sa plano naming pagpapakasal sa susunod na taon.
Umaasa,
Loletty ng San Agustin I, Dasmarinas, Cavite
Dear Loletty,
Ibig mo bang sabihin na hindi kayo compatible ng boyfriend mo ay dahil ikaw ay under sa zodiac sign na Aries, habang siya naman ay Cancer, kung saan ang Aries ay fire type sign habang ang Cancer ay “water type sign?
Kung ‘yan ang pinagbatayan mo upang masabi na hindi kayo compatible ng boyfriend mo, hindi wasto ang iyong pag-aanalisa sa sarili mong kapalaran at malamang, magtataka ka kung bakit.
Ito ay dahil ang birth date na March 23 ay masasabing under sa “cusp” o mga birth date na nasa pagitan ng dalawang zodiac sign.
Ganundin ang ibig sabihin ng “cusp” na birth date, kung akala mo ay Aries ka, nagkakamali ka dahil ang totoo, ang petsang March 23 ay tatlong araw pa lang ang lumilipas mula sa pagiging Pisces ng zodiac sign patungo sa Aries.
Ibig sabihin, hindi maikakaila na bagama’t akala mo ay Aries ang zodiac sign mo, mala-Pisces at mala-Aries ka pa rin. Pero napakadaling ihaka na mas nanaig sa pagkatao mo ang pagiging Pisces dahil kusa mong na-magnet at naging magka-compatible naman kayo ng boyfriend mong Cancer sa loob ng halos pitong taon ninyong pagsasama. Dahil dito, tunay na magka-compatible ang Pisces at Cancer, dahil kapwa sila nagtataglay ng water element.
Dagdag pa rito, pansinin mo ang birth date ng boyfriend mo na July 16, 1993, kung saan, 7 ang birth date niya (ang 16 ay 1+6=7), na siya ring secondary number ng zodiac sign na Pisces, dahil bukod sa 7, numero rin ng Pisces at Cancer ang 2.
Samakatuwid, hindi lang kayo sa zodiac sign magkatugma kundi compatible rin kayo sa Numerology. Kaya humigit-kumulang, wala namang nakikitang problema sa inyong relasyon at sa pagtuntong ng taong 2022, sigurado na ang magaganap – matutuloy ang inyong binabalak na pagpapakasal.
Naging sigurado ang nasabing pagtaya dahil ang taong 2022 ay may tatlong numerong dos (2), na sadyang sobrang paborable naman sa inyong magkasitahan na nagtataglay ng zodiac sign na Pisces at Cancer.
Kaya tulad ng nasabi na, sa edad mong 29 at 28 naman ang boyfriend mo, tiyak na ang magaganap — matutuloy ang plano ninyong kasal upang matupad ang nakatakda, kung saan bago pa kayo isinilang, sadyang inilaan na ng tadhana ang isang matagumpay, maligaya at panghabambuhay na pagmamahalan.




Comments