Malinaw ang paningin kahit walang salamin, babala na mahihiwalay sa asawa
- BULGAR
- Jul 3, 2021
- 2 min read
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | July 03, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Obet ng Malolos, Bulacan.
Dear Maestra,
May asawa na ako at isang anak. Mahilig din akong magbasa ng diyaryo, ito lang ang libangan ko ngayong panahon ng pandemya.
Maraming salamat sa pag-aanalisa n’yo sa panaginip na isinangguni ko sa inyo noong nakaraang linggo. Tama ang kahulugan ng panaginip ko base sa pag-aanalisa n’yo kaya naisipan kong sumangguni muli.
Napanaginipan ko na nabasag ang salamin ko sa mata. Bigla ko itong nabitawan nang ilalagay ko na sa mga mata ko. Pero kahit wala na akong salamin na suot, parang may suot pa rin akong salamin. Kinabukasan naman, napanaginipan ko na may nahukay akong ginto sa bakuran namin. Ano ang ipinahihiwatig ng mga panaginip ko?
Naghihintay,
Obet
Sa iyo, Obet,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nabasag ang salamin mo sa mata ay makararanas ka ng kabiguan sa buhay, subalit ito ay hindi naman gaanong mabigat. Malalagpasan mo ito at muli mong haharapin ang panibagong yugto ng iyong buhay.
Gayunman, ang pakiramdam mo na may suot ka pa ring salamin kahit dapat ay wala, dahil ito ay nabasag na, nagbababala ito na maaaring mauwi sa hiwalayan ang relasyon n’yong mag-asawa dahil sa hindi pagkakaunawaan.
Makabubuting huwag mong hayaang lumala ang problema n’yong mag-asawa. Pag-usapan n’yo itong mabuti bago pa lumala at mauwi sa hiwalayan. Natural sa mag-asawa ang magkaroon ng mga problema dahil bahagi na ito ng buhay ng tao. Subalit kung pag-uusapan nang mahinahon sa simula pa lang, tiyak na babalik ang dating malambing na pagtitinginan at muli n’yong daranasin ang wagas na pagmamahalan.
Sikapin mong maging tapat sa iyong asawa at huwag kang maglilihim sa kanya. Honesty is the best policy, ‘ika nga. Alalahaning ang katapatan ay magdudulot ng panghabambuhay na kaligayahan at pagkakasundo sa loob ng tahanan. Wala nang hihigit pa sa mundong ibabaw kundi ang isang pamilya ay nagkakasundo at nagmamahalan.
Iwasang magkaroon ng lamat ang pagsasamahan n’yong mag-asawa. Hanggang dito na lang. Nawa ay masiyahan kang muli sa aking pag-aanalisa sa panaginip mo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna







Comments