Maligayang Pasko mga ka-BULGAR!
@Editorial | December 24, 2022
Maligayang Pasko mga ka-BULGAR! Sa kabila ng mga pagsubok, piliin sana nating maging masaya, positibo ang pananaw at puno ng pag-asa.
Batid natin na hindi madali ang pagharap sa pandemya, kalamidad at krisis, pero 'ika nga, habang may buhay, may pag-asa.
Hindi Niya tayo pababayaan. Sabayan lang natin ng pagsisikap ang pagdarasal. Kapag nakararamdam na ng pagod, huminga nang malalim, ngumiti at balikan ang mga dahilan kung bakit tayo lumalaban.
Nariyan ang ating pamilya... mga magulang na unang nagsumikap at nagsakripisyo para sa atin, ang ating kabiyak na katuwang sa hirap at ginhawa, ang ating mga anak na puno ng mga pangarap.
Kaugnay nito, sa ating pagharap sa mga susunod na araw, napakahalagang mayroon din tayong masasandalan, ang ating mga kinatawan ng bayan.
Sa susunod na taon, muli tayong pipili ng mga lingkod sa barangay. Kaya ipinapaalala sa mga botante, magparehistro na.
Lalo na't tila nagpapahina umano ang Christmas season sa pagnanais ng mga botante na pumila at magparehistro bago ang magaganap na halalan.
Wala pa umano sa 151,000 na mga botante ang nag-sign up para sa voter registration sa iba’t ibang tanggapan ng Commission on Elections sa buong bansa mula noong Disyembre 12.
Kung saan 611 pa lamang ang mga aplikante na nagpalista para sa proyektong “Register Anywhere” sa walong mall na lugar, kung saan maaaring magparehistro.
Matumal ang unang araw ng voter registration dahil ang primary attention ng mga tao ay nasa pagtitipon at pahinga ngayong holiday season.
Inaasahan ng Commission on Election na hindi bababa sa 1 milyon hanggang 1.5 milyong bagong botante ang magpaparehistro hanggang January 31, 2023.
Ang pagpaparehistro ng botante ay isasagawa araw-araw mula alas-8: 00 ng umaga hanggang alas-5: 00 ng hapon, maliban sa Linggo, sa Office of the Election Officer ng lungsod, munisipyo o distrito, kung saan nakatira ang mga magpaparehistro.
Kunin natin ang pagkakataong ito para makapili ng ating mga makakatuwang at magiging lider para sa mas magaan na pamumuhay. Ito ay para sa lahat ng ating laban at mga pangarap.



Comments