top of page

Maligayang Ika-106 Anibersaryo sa buong Iglesia Ni Cristo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 27, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 27, 2020


Nagdiriwang ngayon ng ika-106 taong anibersaryo ang Iglesia Ni Cristo (INC) na ipinangaral ng Huling Sugo sa huling araw na si Ka Felix Y. Manalo at ito ay naitala sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.


Mula sa una nitong lokal sa kapisanan ng Punta, Sta. Ana, Manila ay mabilis na kumalat ang INC hindi lang sa Kamaynilaan dahil lumaganap ito sa mga karatig-bayan hanggang tawid-dagat ng Visayas at Mindanao.


Noong April 1963 ay pumanaw na si Ka Felix ngunit matagumpay na nitong naitatag ang ecclesiastical districts sa mahigit kalahati ng mga probinsiya sa buong bansa at naisaayos na ang kalagayang pananampalataya ng lahat ng kaanib.


Taong 1968 ang INC ay pinangunahan na ni Ka Eraño G. Manalo, na noon ay siyang tumayong Executive Minister, at matagumpay nitong naitatag ang unang dalawang kongregasyon sa labas ng Pilipinas—ito ang Honolulu, Hawaii at San Francisco, California sa Estados Unidos.


Mula noon hanggang bago magtapos ang dekada ‘70, ay lalo pang lumaganap ang INC patungo sa kontenente ng North America hanggang sa ibang estado at teritoryo tulad ng New York at Guam noong 1969, at Canada noong 1971.


Bago matapos ang dekada ‘80 ay narating na ng INC ang Europe, Battersea, Australia, buong Asia hanggang sa mga bansa ng Scandinavian at mga karatig bansa hanggang sa halos buong mundo na, bago pa man sumakabilang-buhay si Ka Eraño noong Agosto 31, 2009.


Dito nagsimula ang pagkakatalaga kay Executive Minister, Ka Eduardo V. Manalo, na siya namang nagpatuloy sa mga mabubuting gawain ng INC na mapalaganap ang salita ng Diyos at patuloy din ang pagdami ng mga kaanib.


Patuloy din ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga bahay-sambahan o kapilya hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo na kinikilala ng mga dayuhan na unang naitala bago pa lumaganap—ay nagmula sa Pilipinas.


Dahil sa kakaibang disenyo ng bawat kapilya ng INC ay kapansin-pansin ang kanilang prisensiya saan mang bahagi ng mundo ka magtungo kaya buong giting natin itong ipinagmamalaki na nagmula ito sa bansa.


Hulyo 21, 2014, ay pinasinayaan naman ang Philippine Arena na matatagpuan sa Ciudad de Victoria, Bocaue, Bulacan, na sa kasalukuyan ay tinaguriang the world’s “largest mixed-use indoor theatre.”


Kapansin-pansin din na ang megastructure na ito pag-aari ng INC ay hindi nila isinunod sa kanilang pangalan bagkus ay isinunod nila sa ating bansa upang ang kredito o papuri ay tamasahin ng bawat Pilipino.


Dito rin isinagawa ang Church’s centennial celebration na ginanap noong Hulyo 27, 2014 na punung-puno hanggang labas na dinaluhan ng mga kaanib ng INC na nagmula pa sa iba’t ibang panig ng daigdig.


Mula sa pagkakatatag hanggang sa kasalukuyan ay dumanas ng napakaraming pagsubok ang INC na hindi naman nila ikinabigla dahil nakasulat umano ito na bawat kaanib ay daranas ng mga pagsubok at lahat ng ito ay kanilang napagtagumpayan.


Ngayong araw na ito ay nagdiriwang ng ika-106 Anibersaryo ang buong Iglesia Ni Cristo at ang halos buong bansa ay ikinararangal ito dahil sa patuloy na paglaganap nito sa buong mundo.


Minsan pa ay napatunayan ang kapangyarihan ng Panginoon, ito ay isang kahayagan na kailanman ay hindi magbubunga ng masama ang mabuting gawa na ipinakita ng INC.


Ang inyong lingkod at sambayanan ay bumabati sa inyo ng Maligayang Ika-106 Anibersaryo at nawa ay manatili ang inyong katatagan at tagumpay hanggang sa dumating ang ikalawang pagparito ng ating Panginoon. Kahanga-hanga!


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page