Malditas, sisipa sa Asian Cup Qualifiers
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 15, 2021

Dumating na sa Tashkent, Uzbekistan ang Philippine Women’s Football National Team para sa 2022 Asian Football Confederation (AFC) Women’s Asian Cup qualifiers ngayong linggo. Haharapin ng Malditas ang hamon ng Hong Kong at Nepal upang makamit ang isang tiket sa Grupo F patungo sa torneo sa India sa Enero 2022.
Unang sasabak ang mga Pinay laban sa Nepal sa Sabado, Set.18 sa JAR Stadium simula 6 p.m. oras sa Pilipinas. Susundan ng tapatan kontra Hong Kong sa Set. 24 sa parehong oras at lugar.
Mangunguna sa Malditas ang kapitana at numero unong goalkeeper na si Inna Palacios at beterana rin ng ng 2019 SEAG na sina defender Hali Long, Chelo Hodges, Patricia Tomanon at Tara Shelton, mga midfielder Sara Castaneda, Camille Rodriguez at Charisa Lemoran at forward Alisha del Campo. Nagbabalik din sina defender Ryley Bugay at Sofia Harrison at mga midfielder Tahnai Annis, Anicka Castaneda, Rocelle Mendano, Jessica Miclat at Camille Wilson.
Ang mga inakyat mula sa Junior Team ay sina midfielder Malea Cesar at Alyssa Ube, forward Arianna LePage at Chandler McDaniel at mga goalkeeper Olivia Davies-McDaniel at Isabelle Mapanao. Itinalagang head coach ng Philippine Football Federation (PFF) si Marlon Maro.
Mabigat na paborito ang Pilipinas na mag-reyna bunga ng kanilang pagiging #68 sa pinakabagong FIFA World Ranking. Kung ihahambing, #76 ang Hong Kong at #101 ang Nepal na dapat ang orihinal na magsisilbing punong abala subalit nagpasya ang AFC na ilipat ang mga laro.
Upang makapaghanda sa torneo, tumuklas ng Fil-Am players ang kampo ang Malditas sa California na maaaring magpalakas sa koponan. Subalit isang hamon para sa mga Pinay ang pagliban nina Sarina Bolden at Quinley Quezada na naglalaro sa WE League ng Japan at ilang mga nasa Europa tulad ni Eva Madarang sa Espanya.
Mahalaga para sa Malditas sa makapasok sa 2022 AFC Women’s Cup para malaman kung sino ang kakatawan sa Asya sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Lumaki ang pag-asa ng Pilipinas matapos palawakin ng FIFA ang torneo sa 32 bansa mula sa dating 24 noong 2019 sa Pransiya.





Comments