top of page

Malamig na tubig, pahiwatig na daranas ng hirap at pagtitiis

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 23, 2021
  • 2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | August 23, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Vicky ng Batangas.


Dear Maestra,

Dalaga pa ako, pero napanaginipan ko na may asawa na ako. Kaya lang, ang napangasawa ko ay ‘yung mister ng best friend ko. Mahal na mahal niya ako at ganundin ako sa kanya. Tapos madalas ko siyang bigyan ng malamig na tubig kapag siya ay nauuhaw, kung saan maraming yelo ang inilalagay ko sa tubig na iinumin niya at gustong-gusto naman niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Vicky


Sa iyo, Vicky,

Ang ibig sabihin ng panaginip na may asawa ka sa kabila ng katotohanang dalaga ka pa sa kasalukuyan ay kabaligtaran. Matatagalan pa bago mo matagpuan ang magiging asawa mo.


‘Yun namang asawa ng best friend mo ang iyong napangasawa, ang ibig ipahiwatig niyan ay hindi mo pinapansin ang mga nagpaparamdam sa iyo, kumbaga, parang wala ka nang balak mag-asawa pa.

Gayunman, tungkol sa malamig na tubig at maraming yelo na ibinibigay mo sa napangasawa mo tuwing siya ay mauuhaw, hindi maganda ang kahulugan nito dahil ito ay nagsasabing daranas ka pa ng maraming hirap at pagtitiis sa kasalukuyan mong kalagayan. Nagpapahiwatig din ito na ikaw ay masasangkot sa away kahit ano’ng iwas ang gawin mo.


Gayundin, mabibigo ka sa mga binabalak mong pagbubukas ng maliit na negosyo dahil hindi ito kikita at pagkalugi ang sasapitin mo.


Dahil dito, maging matatag ka sa mga pasanin sa buhay. Alalahanin mong hindi lang ikaw ang dumaranas ng kahirapan ngayon. Lahat ay apektado, kaya maging madasalin ka.


Dasal lamang ang tanging lunas sa dinaranas mong hirap at pighati. Huwag kang makakalimot na tumawag sa Diyos dahil hindi Siya natutulog. Handa Siyang tumugon sa sinumang lumalapit sa Kanya at nananalig nang walang alinlangan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page