Malalimang imbestigasyon sa PNP-PDEA misencounter

@Editorial | February 26, 2021
Nakaaalarma ang naganap na ‘misencounter’ sa pagitan ng pulis-Quezon City at mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, QC, kamakalawa.
Lalo pa’t mismong mga awtoridad na ang nagsabing hindi ito ang unang pagkakataon na may ganitong insidente — marami na. Nangangahulugan ba ito na sadyang hindi maiiwasan na magkaroon ng misencounter o hindi pa rin natututo sa mga pagkakamali?
At sa nangyari, marami ang naniniwalang may kakulangan sa koordinasyon sa dalawang kampo at may nagpabaya.
Hindi tuloy maiwasan na kuwestiyunin ang napakalaking intelligence funds ng dalawang ahensiya, nagamit ba nang maayos ang milyun-milyong pondo?
Kaya ang panawagan ng lahat ay magkaroon ng malalimang imbestigasyon at kung maaari ay isapubliko ang buo at totoong detalye ng pangyayari upang magkaalaman.
Napakaraming tanong na dapat masagot unang-una na ay kung sino ba ang target ng operasyon? Paanong nauwi sa patayan sa pagitan ng mga mismong alagad ng batas?
Dagdag na naman ito sa kaliwa’t kanang problema na kinahaharap ng bansa. Hindi pa nga tayo nakakausad sa mga naunang kaganapan na kinasasangkutan ng mga pulis mula sa pagpatay hanggang sa pagdukot at ‘hulidap’, meron na naman.
Hindi na natapos ang kontrobersiya sa kanilang hanay, tayo man ay naaawa rin lalo na sa mga inosenteng nadadamay.
Kaya sana ay magawan naman ng paraan na hindi na ito maulit.
Isipin natin habang nagpapatayan ang mga pulis at PDEA, maaaring nasa kabilang sulok ang mga drug lords, tulak at adik at patawa-tawa.



Comments