Malalang gutom sa 'Pinas, 'di masosolb ng food stamp
ni Ryan Sison @Boses | May 25, 2023
Binatikos ng grupong magsasaka na Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panukalang national food stamp program ng kasalukuyang administrasyon.
Giit ni KMP Chairperson Danilo Ramos, huwag ituring na pulubi ang mga Pilipino na nanghihingi ng limos dahil malala na umano ang problema ng kagutuman sa bansa at hindi ito masosolusyonan ng food stamps lamang.
Noong Lunes, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang kanyang plano na makipagtulungan sa Asian Development Bank para sa pagtatatag ng isang national food stamp program.
Iminungkahi ni Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian ang ideyang pagbibigay ng food stamps sa mga nangangailangang Pilipino sa unang bahagi ng taong ito.
Ayon kay Ramos, ang planong ito ay hindi best option ng gobyerno ngayon. Sa halip, pagtuunan muna ng pansin ang pagbibigay ng sapat na tulong, pagtaas ng sahod, at pagbaba ng presyo ng pagkain.
Gayunman, nasa 3 milyong pamilyang Pilipino o 11.8% ang nahaharap pa rin sa ‘involuntary hunger’ sa pagitan ng Oktubre at Disyembre 2022, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Mas mataas ito nang 0.5 puntos kaysa sa naitala na 11.3% mula Hulyo hanggang Setyembre 2022.
Sa totoo lang, napakaraming problema sa ating bansa na dapat unahin at hindi ang national food stamp program na ‘yan.
Ang dapat na tutukan ng gobyerno ay ang totoong problema na kinakaharap ng ating bansa tulad ng pagtaas ng presyo ng bilihin, serbisyo, mababang pasahod, atbp.
Kung tutuusin, band-aid solution lang ang food stamp sa kakulangan ng pamahalaan na makapagbigay ng trabaho.
Siguro nga ay pansamantalang makakatulong ito para sa mga Pilipino, ngunit hanggang kailan ito mapapakinabangan ng mamamayan?
Hindi ito ang solusyon sa kahirapan, sa halip na umunlad ang Pilipinas, lalo pa itong lumulubog.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments