Malaking porsyento ng mga Pinoy, dismayado sa K-12 program
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | July 20, 2022
Mayroon tayong kasalukuyang krisis sa edukasyon na lumala dahil sa pandemya.
Dumarami ang mga kababayan nating hindi nasisiyahan sa sistema ng K-12 education sa bansa.
Ayon sa Pulse Asia survey na ipina-komisyon ni Sen. Sherwin Gatchalian noong Hunyo, 44 percent ng respondents ang “dissatisfied” sa K-12 program. 1,200 respondents ang lumahok sa survey.
Dahil dito, naghain si Sen. Gatchalian ng resolusyon upang imbestigahan ang status ng implementasyon ng Republic Act 10533 (Enhanced Basic Education Act of 2013 o K-12 Law), sampung taon matapos itong maipatupad.
Makaaasa ang mga kababayan natin na aktibo tayong lalahok sa imbestigasyong ito na sa tingin natin ay makatutulong sa pagtukoy sa mga isyung kailangang matutukan bilang pagtugon sa krisis.
☻☻☻
Naniniwala rin tayo na kailangang siguruhin ng Department of Education ang paggamit ng teknolohiya sa education system natin, tulad sa ibang bansa.
Dahil sa pandemya, napilitan tayong gumamit ng teknolohiya upang maipagpatuloy ang paghahatid ng edukasyon.
Dapat mapadali ang access ng mga mag-aaral at guro sa teknolohiya at gadgets na makatutulong sa kanila.
Kailangan ding matutukan ang kahinaan ng mga estudyante sa mathematics, science at reading comprehension sa harap ng mababang performance nila rito.
☻☻☻
Masalimuot ang mga isyu na konektado sa krisis sa edukasyon.
Umaasa tayong gagawing prayoridad ng bagong administrasyon ang pagtugon sa krisis na ito, at pati na rin sa mga isyung nakakabit sa muli nating pagbangon mula sa pandemya.
Nawa’y sa muling pagbubukas ng Kongreso sa susunod na Lunes kung kailan idaraos ang unang State of the Nation Address ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr., ilahad niya ang mga plano para sa pagtugon sa mga problema ng bansa.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments