Malaking ‘comedy’ ang pulitika
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 19, 2021
Tahimik ang karamihan sa kanila noong nagsisimula pa lang ng kasalukuyang administrasyon. Kung anu-ano ang sinabi at ginawa ng Pangulo, ngunit para silang maaamong tupa na pumapalakpak pa sa kanyang pagmumura at pananakot sa kanyang kritiko at pinagbibintangang kaaway. Hindi nila ipinagtatanggol ang isa sa kanila na malinaw na walang sala. Tinanggal sa kanya ang komite na kanyang hinahawakan at sunud-sunod ang pang-iinsultong masaganang ibinuga ng Malacañang laban sa kanyang dangal at integridad bilang tao at babae.
Meron pang naglabas ng diumanong “sex video” na halatang-halatang bunga ng karaniwang Photoshop. At hindi nagtagal, sinimulan na ang imbestigasyon sa Kongreso ng kanyang diumanong kaugnayan sa krimen bilang Drug Queen. Parang natulala ang marami sa kanya maliban ang ilang makisig na iginiit ang pagkainosente ng kasamang senadora.
At pati ang mga bumubuo ng sistema ng katarungan mula Solicitar General hanggang Secretary of Justice hanggang sa mga miyembro ng Korte Suprema ay tila nakatungangang hindi kayang salagin at kuwestiyunin ang hindi makatarungan, hindi makatao at walang galang pagtrato sa kanyang dignidad at karapatang-pantao.
Hindi masasabing dahil sa kahinaan at kakulangan sa kasanayan ang ugat ng kanyang kagaspangan sa pagiisip at pananalita. Lumilinaw sa paglipas ng panahon na alam at sinasadya niya ang kanyang ginagawa. Sa simula pa lamang ay ganun na siya at ganun pa rin siya ngayon. Bakit ngayon lang kayo nag-iingay laban sa inyong pangulo?
Napakadaling paglaruan ang salita noong wala pa siya sa posisyon. Napakadaling magsalita ng seryoso na sa hulihan ay isa pa lang biro, tulad nang nangako siya noong kandidato pa lang sa pagkapangulo, “Magdye-jet ski ako at magtatanim ng Philippine Flag sa Spratly Islands upang ipagtanggol ang ating soberanya.” Noong siya ay manalo at sinisingil na siya sa kanyang pangako, mabilis nitong sagot, “Biro lang iyon at sinumang naniwala ay engot…”
Hindi tayo nasisiyahan sa lahat ng ito. Kailangan nating magising at itakwil ang mababaw at mapanlinlang na sarsuwela ng trapong pulitika, tila nagsisimula na ang baliktaran at balimbigan. Nagsisimula na ang sirko at sarsuwela. “It’s show time,” ika nga.





Comments