Malakas na internet connection sa mga tourist destination, hakbang para mapalakas ang turismo
- BULGAR
- Dec 24, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | December 24, 2022
Upang mapalakas ang pa ang internet connectivity sa mga tourist destination sa bansa, lumagda ng memorandum of understanding (MOU) ang Department of Tourism (DOT) at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, kasama sa mandato ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang pagpapalakas sa interconnectivity ng mga ahensya ng gobyerno. Binigyang-diin pa ng kalihim na nais makatulong ng DICT na gawing mas mabilis at epektibo ang mga serbisyo sa lahat ng ahensya.
Sa kasalukuyan, ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, mayroon nang 94 tourist destination sa bansa ang natukoy na nangangailangan ng mas malakas pang internet connection.
Giit ni Frasco, sa tulong ng DICT ay umaasa ang ahensya ng turismo na mas mapapalakas ang internet connections sa mga naturang lugar, na magiging malaking tulong para sa pagpapalakas pa ng turismo sa bansa.
Bagama’t karamihan sa mga naturang destinasyon ay may internet na, kailangan naman itong palakasin, partikular sa remote areas. Gayunman, kakailanganing maghanap ng satellite technologies upang magkaroon ng koneksyon sa mga naturang lugar.
Samantala, kumpiyansa si Frasco na sa pamamagitan ng kasunduan sa DICT ay mapapalakas ang internet connection, na magiging malaking pakinabang sa mga lokal at foreign tourists sa bansa.
Kung may malakas internet connection sa mga tourist destination, mapakikinabangan ang social media sa pamamagitan ng real time posting ng mga turista ng kanilang karanasan sa naturang destinasyon.
Hindi lingid sa kaalaman natin ang malaking epekto ng malakas na internet connection sa bansa. At ngayon nga, isa na ito sa mga nakikitang hakbang upang mapalakas at ipakilala ang mas marami pang tourist destination sa Pilipinas, kaya makakatulong din ito sa mga LGUs para isulong ang kanilang lokal na turismo.
Batid nating kailangang mamuhunan ng gobyerno sa pagpapalakas ng internet connection sa bansa para sa napakaraming kapakinabangan at maging sa turismo.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments