Makeshift barrier sa mag-asawa o live-in na magkaangkas sa motor, kalokohan na, nakamamatay pa!
- BULGAR

- Jul 11, 2020
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 11, 2020
Inanunsiyo ni Sec. Eduardo Año, Vice-Chairman ng National Task Force (NTF) on COVID-19, nitong Huwebes na papayagan na ang mga couples o mag-asawa na nakatira sa iisang bahay na magkaangkas sa motorsiklo.
Kabilang sa mga dapat dalhin ng magkaangkas ay patotoo na pareho sila ng address at dapat ay parehong nakasuot ng helmet at facemask.
Bukod dito ay kailangan gumamit ang mga ito ng makeshift barrier o ‘yung pansamantalang harang sa pagitan ng magkaangkas.
Sa mga hindi pa nakakakita nito, ito ay gawa sa tubo na idinisenyong tila sandalan ng driver ng motorsiklo na lagpas sa ulo at nilagyan ng acrylic na salamin o ‘di kaya makapal na acetate at may inilaang hawakan sa magkabilang bahagi na pagkakapitan ng angkas.
Nakaturnilyo ang bracket nito sa mismong motorsiklo o puwedeng naka-welding para hindi gumalaw at bukod sa nakasira ng engineering design ay nakabawas pa ito ng bahagya sa espasyo kung saan nakaupo ang angkas. Para sa mga underbone na motor, makasasagabal din ito sa tangke ng gasolina.
Dahil gawa ang naturang barrier sa bakal ay dagdag-bigat ito sa pagmamaneho bukod pa sa nakakailang ang naturang harang na hindi naman nakasanayan ng marami sa mga nagmamaneho ng motorsiklo.
Kaya naman, agad natin sinulatan si Sec. Delfin N. Lorenzana, Chairman ng NTF para iparating ang ating agam-agam bilang rider at sinabi ang DIY o ang Do-it-Yourself installation ng makeshift barriers ay “fundamentally unsafe” dahil sasalungat ito sa motorcycle’s engineering at balance.
Kapag merong angkas, dapat ang bigat ay synchronized, dapat sumusunod ang angkas sa kung saan papaling ang bigat ng motorsiklo dahil kung hindi puwede itong sumemplang, bukod pa sa puwedeng makapigil sa hangin ang naturang barrier.
Wala namang ginawang pagsubok o pagsasanay para gamitin ang naturang barrier kaya mas malaki ang posibilidad na magdulot ito ng pagkalito o dagdag-pahirap na malamang ay mauwi sa matinding aksidente.
Tutal hindi rin naman talaga 100 porsiyento na hindi magkakahawaan ang nagmamaneho at kaangkas nito, kaya huwag na nating ipilit dahil posibleng makaligtas nga sa COVID-19 ang mga sakay, pero masasawi naman sa semplang.
Mas makabubuti na pag-aralan munang mabuti ang papapagamit ng naturang barrier at kumonsulta muna sa mga eksperto o mga beteranong nagmamaneho ng motorsiklo.
Pabor ako na payagan ang pag-angkas sa motorsiklo, pero mas makakabuting pagsuotin na lamang ang driver at angkas nito ng gloves, facemasks, at full face helmets o kung hindi full face ay face shields na hindi makakaapekto sa pagmamaneho o takbo ng motorsiklo.
Ang mga driver naman at ang angkas ay magkasama sa iisang bahay at nagsasalo sa maraming bagay ng walang mask hanggang sa paggamit ng kubyertos at magkatabi pa sa kama kaya ang planong paglalagay ng harang ay hindi kailangan.
Unang-una ay dagdag-gastos pa ‘yan sa ating mga kababayan na kaya nga gumagamit ng motorsiklo dahil sa wala silang malaking budget at karamihan pa sa mga ‘yan ay hulugan ang gamit na motorsiklo.
Ilang porsiyento lang naman ang mga mahihilig sa motorsiklo na kaya nag-momotorskilo ay dahil hilig o libangan lang at ang mga ‘yan ay hindi nagsasakay ng angkas at hindi papapayag na kabitan ng harang ang mga mamahalin nilang motorsiklo dahil mas prayoridad nila ang porma ng motorsiklo.
Pero itong pagpapatupad ng barrier ay tanging ang mga mahihirap nating kababayan ang magdurusa na sapul na sa gastos, kandidato pa sa aksidente at kahit nakasuot ng helmet ay posibleng matusok pa ng ikinabit na harang, na kapag minalasmalas ay pagkatusok pa ang ikamatay!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments