top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Makakapag-asawa ulit kahit iniwan ng misis dahil sa hirap ng buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 23, 2020
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 23, 2020



Dear Maestro,


Biglang umuwi ang misis ko sa Camarines Sur at isinama niya ang mga anak namin. Nawalan ako ng trabaho, kaya pumupunta-punta ako sa mga nanay ko para dumilihensiya ng pangkain at panggastos namin. Pagdating ko, wala na ang mga anak ko at nalaman ko lang sa mga kapitbahay namin na lumayas na ang misis ko. Mula kasi nang mawalan ako ng trabaho, madalas na kaming nag-aaway.


Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung babalik pa ba sila sa bahay o dapat ko na silang sunduin sa Camarines Sur? Ano ang sinasabi ng mga birthday namin, hindi ba talaga kami compatible sa isa’t isa? October 10, 1983 ang birthday ng misis ko at July 19, 1978 naman ang birthday ko.

Umaasa,

Mario ng Caingin, Bocaue, Bulacan

Dear Mario,


Posibleng hindi na kayo magkabalikan, hindi dahil wala kang kuwentang asawa, bagkus, dahil walang kuwentang misis ang napangasawa mo. Kumbaga, hindi siya marunong magtiis ng hirap, gayung alam naman nating lahat na sa panahong ito ng pandemya, halos lahat ay nawalan ng pinagkakakitaan o pansamantalang nawalan ng hanapbuhay.


At ang malungkot pa nito, iniwan ka ng misis mo matapos kang mawalan ng trabaho, samantalang noong may hanapbuhay ka, mahal na mahal ka niya at good na good kayo at pinaghahain ka ng hapunan pagdating ng bahay at ipinaghahanda pa ng pampaligo sa umaga bago mumasok sa trabaho.


Pero noon ‘yun, noong mapera at may trabaho ka pa, ngunit nang nawalan ka ng kinikita, nang hindi ka na nakakapag-intrega, nilayasan ka na agad ng iyong misis.


Bueno, tulad ng nasabi na, dahil hindi naman compatible ang zodiac sign mong Cancer sa zodiac sign na Libra ng misis mo at nagkataong kapwa kayo nagtataglay ng strong number na one (1), tiyak ang magaganap, kapag hindi mo na siya sinundo, hindi na nga kayo magkakabalikan pa kahit kailan.


Kapag naman sinundo mo siya, maaaring sumama siya sa iyo, pero dahil nawalan ka ng trabaho o hanapbuhay, sa bandang huli ay mag-aaway ulit kayo hanggang sa tuluyan ka na niyang iwanan at muli lang kayong magkakahiwalay.


Tandaang sa pangyayaring naganap sa inyong buhay, Mario, parang mapapaisip ka ng ganito: “Ang pagsasama ng mag-asawa o ang pagiging buo ng isang pamilya ay walang dudang nakasalalay pa rin sa pera at materyal na pangangailanngan dahil kung walang pera, paano magiging masaya ang pamilya?”


Alalahanin ang senaryong ito kung saan halimbawang ang kapitbahay n’yo, halos araw-araw ay masarap ang ulam habang inggit na inggit ang mga anak mo dahil palaging noodles at tuyo ang ulam, na inutang pa sa tindahan.


Kung ganyan ang sitwasyon ng isang pamilya, na naghihirap talaga at baon sa utang, halos sumasala na sa pananghalian, sa palagay n’yo, magiging maligaya at masaya ba ang pamilya?


At pagkatapos, nawalan pa ng trabaho ang ama ng tahanan at nakadagdag pang sakit ng ulo ang hindi pala kayo compatible sa Astrology at Numerology pag-aanalisa?


Habang, ayon sa iyong mga datos, Mario, kapag tuluyan kayong nagkahiwalay ni misis, hindi ka naman dapat labis na malungkot at mawalan ng pag-asa dahil ayon sa iyong Love Calendar, sa taong 2026 at edad mong 46 pataas, muli kang makapag-aasawa, hatid ng babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Scorpio. Gayundin, ang babaeng ito ay panghabambuhay mo nang makakasama sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa at sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page