top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Mahigpit na inspeksyon sa mga cold storage para iwas-perhuwisyo

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 21, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 21, 2023


Isang menor-de-edad ang nasawi habang 24 iba pang residente ang isinugod sa dalawang ospital matapos ang naganap na ammonia leak at sunog sa isang cold storage facility sa Navotas City, kamakalawa.


Sa ulat, dinala ang 16-anyos na biktima ng ambulansya sa ospital subalit binawian din ito ng buhay.


Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Navotas, inaalam pa ng mga awtoridad kung namatay ang menor-de-edad na biktima dahil sa ammonia leak.


Pasado alas-11:00 ng gabi noong Lunes, biglang naglabasan ang mga empleyado ng cold storage facility sa M. Naval Street sa Bgy. NBBN matapos na makaamoy ang mga ito ng ammonia.


Agad na rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) para isara ang valve at makontrol ang ammonia leak. Subalit, makaraan ang isang oras, may nangyari namang pagsabog at saka sumiklab ang apoy.


Itinaas ng BFP sa ikatlong alarma ang naturang sunog habang idineklarang “fire out” bandang alas-2 ng madaling-araw ng Martes.


Ala-1:42 ng madaling-araw ng Martes, naisara naman ng mga bumbero ang valve kung saan tumatagas ang ammonia. Nabatid na nasa control room na may iba’t ibang klase ng makina, natunton ang pinagmumulan ng ammonia leak.


Kaunay nito, ayon sa Department of Health (DOH), 11 indibidwal ang dinala sa Tondo Medical Hospital habang 13 ang isinugod sa Navotas City Hospital. Nakaranas ng hirap sa paghinga, pagsusuka at kawalan ng malay ang mga biktima.


Paliwanag ng DOH, ang mataas na lebel ng ammonia sa hangin ay maaaring magdulot ng irritation sa balat, mata, lalamunan, at baga, at maaari ring magdulot ng ubo at paso sa balat.


Samantala, isasara muna ang cold storage facility habang iniimbestigahan ang nangyari, ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco.


Batay sa CDRRMO, magsasagawa ng inspeksyon ang Business Permits and Licensing Office (BPLO) upang alamin kung may ginawang paglabag ang nasabing kumpanya.


Tila naulit na naman ang nangyaring ammonia leak sa naturang lungsod na nagresulta sa pagkamatay ng isang indibidwal habang maraming mga residente ang isinugod sa ospital.


Malaking perhuwisyo ang idinulot nito sa mga residente ng lugar dahil sa nararanasan hirap sa paghinga at iba pa. Maituturing sigurong may kapabayaan sa naganap na insidente, subalit ang tanong ay kung kaninong parte ito dapat na papanagutin?


Marahil, dapat na mas higpitan ng lokal na gobyerno ng lungsod ang pag-iinspeksyon at pagpapatupad ng protocols sa mga kumpanya at mga negosyo na itinatayo sa lugar lalo na 'yung mayroong cold storage facility bago bigyan ng mga permit para makapag-operate. Isaisip din sana na mas proteksyunan ang mga residente gayundin, unahin palagi ang kapakanan ng inyong mga nasasakupan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page