Mahigpit na inspeksyon sa bawat eskwelahan kontra karahasan
- BULGAR
- Nov 30, 2023
- 1 min read
@Editorial | November 30, 2023
Sunud-sunod ang karahasan na nangyayari sa mga eskwelahan, kabilang na ang pagsu-suicide at mga estudyanteng nagpapatayan.
Kaugnay nito, may napabalita na namang isang mag-aaral na nanaksak ng kanyang kapwa estudyante sa loob mismo ng paaralan.
Batay sa imbestigasyon, isang Grade 9 student ang nanaksak ng Grade 8 habang naka-breaktime.
Hindi natin alam ang tunay na dahilan at pinagmulan ng alitan ng dalawang menor-de-edad at tila may kapabayaan din ang eskwelahan sa nangyari dahil nakalusot ang dalang patalim ng suspek na estudyante.
Kaya para hindi na maulit ang nangyaring insidente, plano umano ng pamunuan ng eskwelahan na bumili ng metal detector upang malaman nila kung mayroong mga estudyante na nagdadala ng armas o matatalas na bagay.
Napakahalaga na matutukan ng pamahalaan maging ng bawat paaralan ang kalagayan ng mga estudyante lalo na sa panahon ngayon na halos humahantong na sa patayan ang simpleng alitan lamang.
Dapat sigurong suriin at tingnan ang sitwasyon ng mga estudyante kung mayroon itong pinagdaraanan. Kailangan ding itsek sila ng mga guidance counselor para malaman kung may problema ang bawat estudyante.
Panawagan sa kinauukulan, magpatupad sana ng mahigpit na inspeksyon sa mga paaralan para masiguro ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral.



Comments