Mahigit 2,000 quarantine violators, ‘di pa nakakalaya

ni Ryan Sison - @Boses | October 26, 2020
Habang tumatagal ang community quarantine, dumarami rin ang quarantine violators.
Kamakailan, kinumpirma ng Department of the Local and Interior Government (DILG) na nananatiling nakadetine ang 1,751 quarantine violators, habang 124,527 naman ang pinalaya nang nagsimula ang COVID-19 pandemic.
Ayon sa ahensiya, karamihan sa quarantine violators ay nahaharap sa kasong resistance and disobedience to a person in authority, na puwedeng magpiyansa o kung pinayagan ng korte.
Dagdag pa ng DILG, bukas ang ahensiya sa kautusan ng Supreme Court na palayain ang mga nakadetine na quarantine violators para lumuwag ang detention facilities.
Base sa datos ng Joint Task Force COVID Shield, mula Marso 17 hanggang Oktubre 23, 489,044 na ang naitalang lumabag sa quarantine at curfew sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, 36% o 175,327 ang binalaan at 189,190 o 38% ang pinagmulta.
Samantala, nasa 72% o 34,657 ang na-release agad para sa regular filing, habang 34,657 ang sumailalim sa inquest at pinauwi matapos magpiyansa.
Sa totoo lang, hindi nakapagtatakang ganito karami ang lumabag sa quarantine protocols dahil noong kasagsagan pa lang ng enhanced community quarantine (ECQ), marami nang lumalabag, at nang unti-unting luwagan ang quarantine, rito lalong naglabasan ang mga pasaway.
Hindi tuloy maiwasang isisi sa mga quarantine violators ang patuloy na pagdami ng COVID cases sa bansa.
Huhulihin at paaalalahanan o huhulihin at ikukulong, ganito ang eksena ‘pag may lumalabag sa health protocols, pero ano ba ang dahilan kaya lumalabag ang mga ito?
Baka sa halip na hulihin, pagmultahin at ikulong, patawan na lang ng ibang parusa tulad ng community service. Mahirap din kasi kung mapupuno ang detention facilities, na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng virus.
Samantala, panawagan sa mga kinauukulan, magpokus din tayo kung paano pasusunurin ang mga tao at ‘wag puro panghuhuli o multa.
Wa’ ‘wenta ang lahat ng ito hangga’t hindi natututong sumunod ang publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments