Maharlika Fund, kapag nalugi o nakurakot, tax payers ang magdurusang magbayad nito
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 4, 2023
HINDI KATANGGAP-TANGGAP NA TAX PAYERS MAGDURUSANG MAGBAYAD KAPAG NALUGI O NAKURAKOT ANG P250-B MAHARLIKA INVESTMENT FUND— Hindi susuportahan nina Sen. Koko Pimentel at Sen. Risa Hontiveros ang “Maharlika Investment Fund” dahil nakasaad sa probisyon nito na kapag nalugi o nakurakot ang P250 billion funds nito ay walang pananagutan ang economic team ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. Sa halip, taumbayan ang magdurusang magbayad sa nalugi o nakurakot na investment fund.
Sana, madagdagan pa ang mga senador na magre-reject sa Maharlika Investment Fund para hindi ito pumasa sa Senado dahil hindi talaga katanggap-tanggap na tayong mga tax payers ang mag-aambagan ng P250-B kapag ito ay nalugi o nakurakot, period!
◘◘◘
DAMING SATSAT NI SEN. CHIZ NA AKALA MO TABLADO SA KANYA ANG MAHARLIKA INVESTMENT FUND, ‘YUN PALA AY SUPORTADO NIYA— Isa sa mga kumukuwestyon sa mga nakapaloob na probisyon sa Maharlika Investment Fund ay si Sen. Chiz Escudero, at talaga namang ang dami niyang tanong tungkol dito, kaya akala ng mamamayan ay kaisa siya nina Sen. Koko at Sen. Risa na magre-reject sa P250-B investment fund.
Ang daming satsat ni Sen. Chiz, akala mo tablado sa kanya ang Maharlika Investment Fund, ‘yun pala ay gusto rin niya ito dahil bago mag-ending ang kanyang mga dakdak, sinabing suportado naman daw niya ang investment fund ng Malacañang. Pwe!
◘◘◘
MGA DDS VLOGGERS AT BLOGGERS, INAATAKE SI P-BBM—Sa social media, inaatake ng mga DDS (Duterte Diehard Supporters) vloggers at bloggers si P-BBM sa mga isyu ng Maharlika Investment Fund, inflation rate, pagtaas ng presyo ng sibuyas, pagkakadawit ni Martin Araneta (utol ni First Lady Liza Araneta-Marcos) kay agri-smuggler “Michael Ma” at marami pang isyu laban sa presidente, na kesyo weak leader daw si P-BBM at “best president ever” naman daw si ex-P-Duterte.
Kaya ang tanong, hindi ba alam ni VP Sara Duterte-Carpio na inaatake ng mga DDS vloggers/bloggers ang ka-tandem niyang si P-BBM?
◘◘◘
KUNG MAY HIYA SI OWWA ADMIN ARNELL IGNACIO SA KANYANG SARILI, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA SA PUWESTO—Pinutakte ng batikos si OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) Administrator Arnell Ignacio dahil ang official Facebook page ng ahensya na dapat ay may kaugnayan lang sa OFWs ang ipino-post dito ay ginagamit ngayon sa personal na buhay ng OWWA administrator tulad ng post na may kaugnayan sa kanyang love life.
Kaya kung may natitira pang hiya sa kanyang sarili si Admin Ignacio, isa lang ang dapat niyang gawin at ito ay mag-resign sa OWWA, period!





Comments