top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Maharlika, delikadong matulad sa PDAF, kinurakot lang ng mga lingkod-bayan kuno!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 6, 2023
2 min read

Updated: Jun 7, 2023

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 06, 2023



MAHARLIKA INVESTMENT FUND BAKA MATULAD SA PRIORITY DEVELOPMENT ASSISTANCE FUND NA GINAWANG PORK BARREL AT KINURAKOT--Magandang pakinggan ang Maharlika Investment Fund (MIF), tulad din ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na maganda sa pandinig ng mamamayan.

Kaya lang kalaunan ay nabulgar na ang pera pala ng bayan na inilalagay sa PDAF ng mga senador at kongresista ay matagal na panahon nilang ini-scam, kasabwat ang tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Napoles.

Ang nais nating ipunto rito, malaki ang posibilidad na ‘yang Maharlika Investment Fund ay matulad lang sa Priority Development Assistance Fund na ginawang pork barrel at kinurakot ng mga nagpapakilalang mga “lingkod-bayan” na mga sen. at cong., mga buset!

XXX

KUNG HINDI PA NAG-AWAY ANG MAG-TITANG JANET NAPOLES AT BENHUR LUY, HINDI MALALAMAN NG TAUMBAYAN NA INI-SCAM NG MGA SEN. AT CONG. ANG PDAF--Matagal na panahong nagtamasa sa kaban ng bayan na nasa PDAF ng mga nagpapakilalang mga "lingkod-bayang" senador at kongresista.

Buti na lang nag-away ang mag-titang Janet Napoles at Benhur Luy dahil sa gulangan sa partehan ng komisyon sa pork barrel, kasi kung hindi sila nag-away ay hindi pa malalaman ng taumbayan na ini-scam ng mga buwayang sen., cong. at ni Napoles ang pera ng bayan, boom!

XXX

PERA NG BAYAN GINAWANG KORPORASYON NA TATAWAGING MAHARLIKA INVESTMENT CORPORATION--Maharlika Investment Corporation (MIC) pala ang ipapangalan sa inaprubahang Maharlika Investment Fund (MIF) na popondohan ng gobyerno ng P500 billion, na ang perang ipangpopondo ay kukunin sa pera ng mamamayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at iba pang GOCCs (Government Owned-Controlled Corporation).

Kita n’yo ang kawalanghiyaan ng mga trapong nag-apruba sa Maharlika Investment Fund, kasi pati pera ng bayan ay ginawang korporasyon, mga buset!

XXX

ADVANCE NA PANININGIL NG KUMPANYA NG TUBIG PARA SA PAGSIPSIP NG POSO-NEGRO DAPAT IMBESTIGAHAN NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN--Sa Zaragoza, Nueva Ecija ay sinisingil na raw ng isang kumpanya ng tubig ng P50 monthly at dagdag na singil na P5 per cubic meter ang mga konsyumer ng tubig bilang pondo raw sa gagawing pagsipsip sa “poso-negro” ng mga residente sa kada limang taon.

Aba teka, bakit advance ang paniningil gayong puwede namang singilin sa mismong araw na magpapasipsip ng poso-negro ang mga residente sa Zaragoza, Nueva Ecija.

Kung totoo itong nakuha nating impormasyon, aba’y dapat imbestigahan ‘yan ng Sangguniang Panlalawigan kasi panggugulang sa mga water consumers ang ginagawang ‘yan ng water company, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page