Mahahalagang pangyayari, magaganap sa bebot na 24-anyos ngayong taon
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Enero 25, 2023
Dear Maestro,
Naisipan kong kumonsulta sa inyo dahil sa September 24 ay birthday ko at 24 na rin ang edad ko.
Hindi ba, kapag ganu’n ang edad, kung saan natapat sa iyong birth date ang edad mo ay susuwertehin ka? Tapos nagkataong 7 ang destiny number ko, na siya namang number ng taong 2023.
Naging 7 ang destiny number ko dahil September 24, 1999 ang birthday ko. Ibig sabihin ba nito, sa taong ito ay magkaka-boyfriend at magiging maligaya na ako?
May manliligaw ako ngayon, na isinilang noong January 4, 1998, compatible ba kami? Kung hindi, sino ang unang magiging boyfriend ko at kailan siya darating?
Umaasa,
Madeline ng Bagbag, Novaliches, Quezon City
Dear Madeline,
Ang birth date mong 24 o 6 (2+4=6) at zodiac sign na Libra ay nagsasabing, hindi mo ka-compatible ang manliligaw mo ngayon na Capricorn dahil ang Libra na zodiac sign mo ay under sa elementong air o hangin, habang ang Capricorn naman ay under sa elemetong earth o lupa, kaya tulad ng nasabi na, hindi naman kayo tugma o compatible sa isa’t isa.
Samantala, ang tunay na ka-compatible ng zodiac sign mong Libra ay silang may mga zodiac sign na Aquarius, Gemini, at kapwa mo Libra, higit lalo silang may mga birth date na 3, 12, 21, 30, 9, 18, at 27.
Sa sandaling nagkaroon ka ng manliligaw na ka-compatible mo, sagutin mo siya agad upang makaranas ka naman ng maligaya at panghabambuhay na pag-ibig sa taon ding ito ng 2023.
Gayunman, ang mapalad mong kulay ay red, blue, lavender at violet. Lahat ng kulay na hinango sa red, blue at violet ay magdadala sa iyo ng magandang kapalaran at buwenas, higit lalo sa pag-ibig, materyal na bagay at pakikipagrelasyon.
Tandaan na hindi porke sinabing red, blue, lavender at violet ay plain na ganu’n ang isusuot mo, puwede rin ang puting damit o t-shirt na may kaunting disenyo ng red, blue lavender o violet.
Hinggil naman sa iyong tanong tungkol sa birth date na 24 o 6 (ang 24 ay 2+4=6) at ang edad mo ngayon ay 24 o sumang 6 din, at nagkataong 7 ang destiny number mo (9+24+1999=2032/ 20+32=52/ 5+2=7), na 7 rin ang sumatotal ng taong 2023 (20+23=43/ 4+3=7), tama ka dahil magkakaroon ng “significant events” sa panahong ito ng iyong buhay at kabilang na sa mahahalagang pangyayaring ito ay ang tungkol sa love life.
Ayon sa iyong Love Calendar, tamang-tama ang sapantaha mo sa taong ito ng 2023, habang ikaw ay palapit sa edad na 24, sa nasabing panahon ng iyong buhay, sa buwan ng Mayo o Hunyo, may manliligaw sa iyo na sadyang katugma at ka-compatible mo. Ang lalaking ito ay isinilang sa zodiac sign na Aquarius, kung saan unti-unting mabubuo ang wagas at matimyas na relsayon, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, na nakatakdang mangyari sa taong 2026 at sa edad mong 27 pataas.




Comments