Magulang, protektahan ang anak sa panganib ng ‘digital world’
- BULGAR

- 20 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | July 4, 2026

Sa panahong ang karahasan at pananamantala sa mga menor-de-edad ay hindi na lamang nangyayari sa lansangan kundi maging sa internet, tungkulin ng bawat magulang na maging mas mapagmatyag sa 'digital world' ng kanilang mga anak.
Hindi na sapat ang simpleng pangungumusta kung kumain na ba ang bata, nakauwi na ba mula sa paaralan, o tapos na ba ang takdang-aralin. Dapat ding alamin kung anong online games ang kinahihiligan niya, sinu-sino ang kanyang nakakausap, at anong uri ng komunidad ang kanyang kinabibilangan sa internet.
Sa likod ng mga larong tila inosente, maaaring may mga naghahanap ng pagkakataong makalapit sa mga bata. Mula sa pakikipagkaibigan, maaaring mauwi ito sa panlilinlang, pangingikil, pang-aabuso, o mas malalang krimen.
Ang panganib ay lalong lumalala kapag walang gabay, walang tanong, at walang sapat na presensya ang magulang.
Hindi ito panawagan para ipagkait sa kabataan ang teknolohiya. Ito ay paalala na ang kalayaan sa paggamit ng internet ay dapat may kasamang paggabay, disiplina, at pagbabantay.
Bago pa mauwi sa pagsisisi, kailangang makialam ang mga magulang — hindi bilang pakikialam na walang tiwala, kundi bilang pananagutang protektahan ang anak.



Comments