Magsusunog ng effigy sa SONA, hindi aarestuhin

ni Ryan Sison @Boses | July 22, 2024

Dahil sa ngayong araw, July 22, ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na isasagawa sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City, asahan na ang kabi-kabilang kilos-protesta mula sa iba’t ibang grupo lalo na sa naturang lugar.
Gayunman, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi aarestuhin ng mga local law enforcer ang sinumang mahuli nilang nagsusunog ng mga effigy sa panahon ng mga protesta.
Ayon kay Belmonte, ang Batas Pambansa Bilang 880 o “The Public Assembly Act of 1985” na nagsasaad na ang “malicious burning” ng anumang bagay sa mga lansangan sa loob ng 100 metro mula sa lugar ng public assembly ay ipinagbabawal.
Aniya, wala silang aarestuhin dahil ang binanggit na batas na may kinalaman sa effigy ay kanyang pinag-aralan at ito ay tumutukoy sa distansya.
Diin ni Belmonte, kaya kailangan, kung sa loob ng 100 meters, bawal ang magsunog ng effigy. Pero, beyond o lagpas sa 100 meters, wala namang binanggit ang batas na ito ay bawal.
Batay sa report, una nang nagbigay ng permit si Belmonte sa mga pro-government at anti-government groups na magpoprotesta at magkokontra-protesta sa araw ng SONA.
Ang anti-government group ay magsasagawa ng kanilang protesta malapit sa Diliman Doctors Hospital sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Habang magsasagawa naman ng kanilang aktibidad ang pro-government group malapit sa Sandiganbayan sa kahabaan din ng Commonwealth Avenue.
Pahayag pa ni Belmonte, hindi puwedeng mag-rally nang walang rally permit dahil importante talaga ito. Wala silang pipigilan na mag-rally dahil aniya, gusto nilang pangalagaan ang karapatan sa freedom of expression at freedom of assembly na mandato sa ating Konstitusyon.
Mabuti at hindi naman aarestuhin ng lokal na pamahalaan ng QC ang mga nagpoprotesta na magsusunog ng effigy basta lagpas ito sa itinakdang distansya.
Dito kasi kadalasan naipapahayag ng mga nagra-rally ang kanilang mga hinaing, laban man o hindi sa ating gobyerno.
Marahil, isa lamang ito sa kanilang ekspresyon na mailatag sa gobyerno kung ano ang kanilang nais para sa ikakaganda at ikauunlad ng bansa.
Paalala lang sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nagpoprotesta na pairalin pa rin sa ating mga puso ang kahinahunan.
Huwag tayo masyadong magpadala sa bugso ng galit o umaksyon na ikasisira natin. Ang mahalaga ay maipakita natin sa ating gobyerno ang kalayaan na maipahayag ang tama at nararapat nilang gawin para sa ikabubuti ng lahat ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments