Magsasaka at mangingisda, maituturing na bayani ng bansa
ni Ryan Sison @Boses | May 18, 2023
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na kumikilos ang administrasyon para protektahan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa epekto ng climate change.
Sa pagdiriwang ng National Farmers and Fishers Month, nangako si DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban ng patuloy na suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura.
Aniya, ang mga magsasaka at mangingisda ang nagsisilbi nating food security goal at frontliners, kaya nararapat na kilalanin sila bilang “selfless hard work.”
Bilang suporta sa agri-frontliners ng bansa, isinama ng administrasyon ang isa sa mga pangunahing programa ang mga ito. Kabilang dito ang P2.3-B Adapting Philippine Agriculture to Climate Change project, na sumasaklaw sa Cordillera Administrative Region (CAR), Cagayan Valley, Bicol Region, Northern Mindanao, at SOCCSKSARGEN, Philippine Fisheries and Coastal Resiliency Project (FishCore) na nagkakahalaga ng P11.422-B para sa 24 lalawigan. Ang P6.625-B Mindanao Inclusive Agriculture Development Project para sa 26 ancestral domain, at ang Philippine Rural Development Project, na may pinakamataas na badyet na nagkakahalaga ng P45.012-B, na sumasaklaw sa 82 lalawigan sa bansa.
Giit ng opisyal, mayroong 65 active sub-projects na nagkakahalaga ng P200-B at karamihan sa mga ito ay pinondohan ng Food and Agriculture Organization (FAO), World Bank, at iba pang multilateral, bilateral partners, kabilang ang mga locally-funded projects.
Samantala, kinilala ng DA ang kontribusyon ng ilang organisasyon at mga kilalang magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga kahanga-hangang nagawa sa sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga organisasyong nakatanggap ng mga parangal ay ang Tublay Organic Practitioners Agriculture Cooperative, One Samar Agro-Organic Practitioners Inc., Kayapa PGS Group, gayundin ang Blessed Corean Swine Raisers Association, D. Riconalla Farmers Association, at Lala Fishermen's Cooperative.
Napakagandang balita ito at sa wakas ay kinilala ang lahat ng mga nagawa at paghihirap ng ating mga magsasaka at mangingisda para sa ating bansa.
Totoong malaking pahirap sa mga magsasaka at mangingisda ang mga sakuna, kalamidad at maging ang climate change dahil apektado ang kanilang mga kabuhayan.
Kaya naman napakalaking tulong na nito sa kanila, lalo na’t kakaunti lang ang suportang natatanggap nila mula sa gobyerno.
Saludo ang inyong lingkod sa lahat ng magsasaka at mangingisda ng ating bansa, kayo ang tumatayong bayani na nagbibigay ng pangunahing pangangailangan natin sa araw-araw — ang pagkain.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments