top of page

Maglakad at maglakbay, magtiwalang sasalubungin tayo ng maluwalhating liwanag ng bukang liwayway

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 26, 2021



Noong 1996 ang unang taon ng tatlong taong pagdiriwang ng sentenaryo ng rebolusyon laban sa mga Kastila. Ito rin ang simula ng Gomburza, KKK at Trans-Pilipinas Run.


Dahil sa mga nagaganap na gulo at karahasan sa ilang bahagi ng Mindanao, isinagawa natin ang "Takbo para sa Kapayapaan" mula sa Cotabato City hanggang Cagayan de Oro. Sa sumunod na taon, 1997 ay naganap ang "Takbo para sa Kalikasan sa Kabisayaan". At nahati sa dalawa ang 1998 sa "Takbo para sa Malinis at Mapayapang eleksyon" at "Takbo para sa Kalayaan".


25-taon na ang nakararaan mula nang patakbo nating nilakbay ang buong kapuluan. Napakaraming nangyari mula kay dating Pangulong Fidel V. Ramos hanggang kina ex-P-Erap, ex-P-GMA, ex-P-Noy at lalung-lalo na sa administrasyon ng kasalukuyang Pangulo. Bagama’t napakaraming mabibigat na isyu ang hinarap ng taumbayan mula naunang mga lider ng bansa, kakaiba ang mga pinagdaraanan natin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.


Hindi nawawala ang korapsiyon at karahasan at dumagdag pa ang pandaigdigang krisis ng COVID-19.


Madilim, sobrang dilim ang kapaligiran ng ating bansa. Napakaraming namatay dahil sa pandemya. Mahigit nang 37, 405 ang namatay. At ang pinakamataas na impeksiyon sa isang araw ay umabot na ng mahigit 26,000. Mula noong isang taon umabot na ng 2,453,328 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan o nahawa. Kung anu-anong eksperimento na ang isinagawa ng pamahalaan -- kaliwa't kanan ang quarantine. Kung anu-ano ang announcement na nanggagaling sa Department of Health at Malacañang.


Noong Miyerkules, samantalang binabakunahan ang humigit-kumulang 300 residente ng Barangay Toro, nakausap natin ang isang Counselor na naiimbitahan ng mga Obispo sa kani-kanilang diyosesis upang magbigay ng panayam sa Mental Health o kalusugan ng isipan. Paliwanag ng Counselor na napakaraming tinatamaan ng depresyon, panic-attack at kung anu-ano pang mga hindi nakatutulong, bagkus ay nakakasamang kondisyon sa utak o kaisipan. Hindi nga lumalabas ang marami at naghahangad na manatiling ligtas sa impeksiyon, ngunit maraming nagkakasakit sa kaiisip at pag-aalala dahil parami nang parami ang mga kaso.


Lumalabo at dumidilim, hindi lang ang katawan kundi ang kaisipan ng marami. At kapag ang isipan ay humina at nagkasakit, hindi malayong magkasakit din ang katawan. At sa gitna ng panganib ng pandemya, ganun na lang ang bangayan ng mga pulitiko. Kaya’t patuloy lang ang paghahanap buhay at araw-araw na pakikibaka ng mga maralitang taga-nayon at lungsod. At kahanga-hanga ang maraming nagsisikap mabuhay at maghanap-buhay sa gitna ng isang katerbang batas na nagbabawal ng iba’t ibang gawain.


At dahil damang-dama ang pait at bigat ng kahirapang dulot ng pandemya, maraming pinaghihinaan ng loob at meron ding tuluyan nang nawawalan ng pag-asa’t kinikitil ang sariling buhay. Maraming natuto ng magkulong sa kani-kanilang tahanan at tawagin itong normal. Oo, kailangang mag-ingat, ngunit hindi sa puntong tuluyan nang mawalan ng sigla, kulay, kabuluhan at direksiyon ang buhay.


Kailangan nating muling lumabas sa kulungan ng ating mga sarili at ipagtanggol ang katinuan at kalayaan ng ating isipan at kalooban. Kailangang ibalik hindi lang ang pagtitiwala sa sarili kundi ang pananampalataya sa Diyos na buhay -- sa Diyos ng buhay.


Kaya’t muling magsisimula ang mahabaang paglalakbay mula sa dilim tungo sa liwanag. Tuluyan na nating itatanim ang Krus ng Paglalakbay at Misyon para sa Paghihilom at Proteksiyon (Pilgrim Mission Cross of Healing and Protection) mula sa Pampanga hanggang Bulacan at Metro Manila. Maglalakad tayo mula ika-8 hanggang ika-28 ng Setyembre 2021 mula simbahan ng Santiago Apostol, Betis, Pampanga hanggang Immaculate Conception Cathedral, Malolos Bulacan at magtatapos sa Parokya ng Santa Clara sa Dagat-dagatan, Navotas.


Iaalay natin ang mahabang paglalakad bilang panalangin at sakripisyo upang manumbalik ang sigla, tapang at katatagan ng pananampalatayang Kristiyano na pinahina ng pandemya at ng kapaligirang tigib sa takot at kalituhan.


Tara na, maglakad, maglakbay, sindihan ang kandila o sulo ng pananampalataya, bagtasin ang mahabang landas na balot sa dilim at magtiwalang sasalubungin tayo ng maluwalhating liwanag ng bukang liwayway.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page