Magkasintahan strong number, yayaman kung may magpapa-under
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | July 30, 2023
Dear Maestro,
Sa pagkakaalam ko ay pareho kaming nagtataglay ng strong number ng mister ko at ito marahil ang dahilan kung bakit kami nagkahiwalay.
Taong uno kasi siya na isinilang noong Disyembre 1, 1980 habang ako naman ay taong otso na isinilang noong Oktubre 8, 1988.
Sa ngayon ay may bago na akong boyfriend at gusto niya na umano akong makasama sa iisang bubong. Ang problema ay taong uno rin siya na isinilang noong Pebrero 10, 1983.
Nagtataka ako, Maestro, kung bakit lapitin ako ng mga taong uno? Ask ko lang sana kung hindi ko maiiwasan ang kapalarang ito, ano ang dapat kong gawin?
Sa ngayon kasi ay inlab na rin ako sa kanya, kung magsasama kaya kami sa iisang bubong, ano ang mangyayari?
Matutulad din kaya ang aming relasyon na kung saan sa umpisa lang masaya at sa bandang huli ay puro na lang pag-aaway? Sana masagot at mapayuhan n’yo ako.
Umaasa,
Sonia ng Centro East, Palanan, Isabela
Dear Sonia,
Mayroon din namang mga “strong number” na mag-asawa na yumayaman, umuunlad at nagiging successful.
Sa ganitong kalagayan, ‘yung mga mag-asawang parehong nagtataglay ng strong number, ang kadalasang nangyayari ay nagpapaka-weak iyong lalaking uno, habang iyong babaeng otso ang nagiging strong.
Ibig sabihin, iyong lalaking uno ay sunod lang nang sunod sa kanyang asawa, bagama’t hindi naman ito under de saya, sa halip ang tamang salita “si misis ang manager” habang “si mister ang driver ng kanilang negosyo o kumpanya.” Sa ganitong sitwasyon at pangyayari, tulad ng nasabi na, yumayaman ang mag-asawang nagtataglay ng parehong strong number.
Meron din naman lalaking otso (silang mga isinilang sa petsang 17 at 26) at babaeng uno (silang mga isinilang sa petsang 10, 19 at 28) ang yumayaman.
Sa ganitong sitwasyon “sa bahay lang si misis” habang si “mister ang nagpapatakbo ng negosyo!” Tulad ng nasabi na, yumayaman din ang mag-asawang nabanggit na parehong nagtataglay ng strong number na 8 at 1.
Kaya kapag nakisama ka sa boyfriend mong may birth date na Pebrero 10 habang ikaw naman ay Oktubre 8, alam mo na ngayon ang dapat n’yong gawin.
Ikaw ang magpapaka-strong habang ang boyfriend mo ay magpapaka-weak.
Sa aktuwal na senaryo, ikaw na may birth date na otso ang “manager” habang si mister na may birth date na uno “ang driver”. Sa ganyang diskarte, makikita mo, ‘pag may nagpaka-weak sa inyong dalawa, tulad ng mga nabanggit ng ehemplo sa itaas, yayaman at uunlad din ang inyong pamilya.
Mapalad ang kulay na green at red, gayundin ang yellow kung halimbawang kayo ay magsasama na, higit lalo sa mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25. Kung saan, ang ikalawang anak, na may birth date na 25, 7, 16, 5, 14, o 2. Sa sandaling sinunod mo ang simpleng rekomendasyong inilahad sa itaas, kahit na pareho kayong strong number ng ‘husband to be’ mo, tiyak ang magaganap sa taong 2029, sa edad mong 41 pataas, yayaman na kayo hanggang sa tuluyan na rin kayong makabuo ng isang maunlad at maligayang pamilya habambuhay.




Comments