Maging mas matatag sa 2024
@Editorial | December 27, 2023
Hindi pa man natatapos ang taong 2023, tinukoy na ng gobyerno ang mga problemang posibleng kaharapin ng bansa.
Tinukoy ang mga problemang El Niño, mabilis na paggalaw ng presyo, at pagnipis ng supply ng pagkain bilang pangunahing hamon sa sektor ng pagsasaka sa susunod na taon.
Ang mga naturang suliranin ang kailangan umanong harapin ng mga magsasaka at mga food producers sa taong 2024.Mayroon umanong malaking misyon ang bansa sa susunod na taon at ito ay ang tugunan ang mga naturang problema.Kaugnay nito, tiniyak naman ng pamahalaan na tutulungan ang mga magsasaka na harapin ito.Kailangang mapatatag ang presyuhan na mapakikinabangan ng mga magsasaka at ganundin ng mga konsyumer.
Kaya umaasa tayo na hindi tutulugan ng mga opisyal ng gobyerno ang mga problema na batid naman nilang puwedeng mangyari. Dapat ay may mga plano na para matugunan ang krisis at para hindi magkabiglaan at mas lumaki ang masamang epekto sa kabuhayan.
Gamitin na ang mga pondo, makinarya at lahat ng puwedeng magamit para hindi gutom sa susunod na taon.
Lahat ng ibinibidang proyekto, programa at investment, ilabas na. Ngayon mas kailangan ng mamamayan ang aktuwal na kilos at hindi puro pangako at pabida.



Comments